Libo-libong bangus sa Pangasinan namatay

ABS-CBN News

Posted at May 31 2018 10:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Namatay ang libo-libong mga bangus sa Anda, Pangasinan.

Ayon sa ilang residente, nagsimulang lumutang ang mga isda pagkatapos ng pag-uulan nitong Miyerkoles, Mayo 30.

Apektado ng malawakang pagkamatay ng mga bangus ang tatlong barangay ng bayan.

Upang hindi malugi ay napilitan ang mga fish cage operator na anihin ang natitira pang mga isda bago pa tuluyang mamatay ang mga ito.

Ayon sa isang opisyal, nangamatay ang mga isda dahil sa pagbaba ng dissolved oxygen sa tubig na dulot ng pagbabago ng temperatura.

"Mino-monitor na namin ang tubig dahil sa sobrang taas ng temperature… pumalo sa 40 degrees ang init," ani municipal agriculturist Elizabeth Torres.

Pinag-iisipan naman ng lokal na gobyerno na pansamantalang suspendihin ang operasyon ng aabot sa 700 fishcages.

Tiniyak ng Bantay Dagat na walang mga apektadong isda ang makararating sa merkado upang ibenta.

Hinakot na ng mga residente ang ilan sa mga nangamatay na bangus at ibinaon sa lupa upang hindi makaapekto sa kalidad ng tubig.

-- Ulat ni Patricia Mendoza, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.