Lalaki, pinagbabaril sa tapat ng paaralan

Annie Fe Perez, ABS-CBN News

Posted at May 31 2018 03:54 PM

Iniimbestigahan pa rin ng awtoridad ang motibo sa likod ng pamamaril sa isang lalaki sa tapat ng eskuwelahan sa bayan ng Bacong sa Negros Oriental.

BACONG, Negros Oriental – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang lalaki sa tapat ng isang paaralan, Huwebes ng umaga.

Dead on arrival sa Negros Oriental Provincial Hospital ang biktimang si Ponciano Delora. 

Ayon sa awtoridad, katatapos lang i-enroll ni Delora sa Bacong Central School ang kaniyang anak nang pagbabarilin siya ng dalawang lalaking naka-bonnet at jacket na bumaba sa isang silver na sasakyan.

Hindi naman nadamay ang kaniyang asawa at anak na noo’y nasa loob ng paaralan para sa Brigada Eskuwela.

Hinala ng pulisya, may personal na galit ang mga suspek sa biktima. 

Tinitingnan din ng awtoridad kung may koneksiyon ito sa insidente ng paghagis ng granada nitong Martes ng gabi sa bahay ni Bacong Mayor Jocelyn Alviola.

Nangangamba naman ngayon ang mga magulang ng mga mag-aaral lalo na’t sa Lunes na ang simula ng pasukan.

Dadagdagan naman ang pulisya sa mga paaralan para makaiwas na sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.