Driver na ikakasal ngayong Hunyo, patay sa aksidente

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at May 31 2018 10:21 AM

Nagulungan ng trak ang ulo ng biktimang si Nick Aguacito Jr., matapos na tumilapon siya sa minamanehong tricycle. Photo courtesy of Koronadal City Traffic Management Section

KORONADAL CITY – Patay ang isang lalaki matapos na matumba sa minamanehong tricycle at masagasaan ng truck sa Barangay Zone 4, Martes ng hapon.

Parehong papunta sa direksyon ng bayan ng Banga ang tricycle ni Nick Aguacito Jr. at ang truck na may kargang mga motorsiklo na minamaneho ni Jerwin Lauriano, batay sa imbestigasyon ng Traffic Management Section ng Koronadal City Police Station.

May nadaanan umanong malaking bato sa kalsada si Aguacito kaya natumba ang tricycle at tumilapon siya hanggang sa mawalan ng malay. Tiyempong dumaan ang truck at nagulungan sa ulo ang biktima.
 
"May nakakita na nagmamaneho itong isang kamay lang ang nasa manibela at yung isang kamay hawak niya yung isang plastic na may lamang itlog," ayon kay Traffic Investigator, PO2 Leo Dimaculangan.

Nangakong tutulong ang kompanyang nagmamay-ari sa truck sa pamilya ng biktima.

Ikakasal na sana sa Hunyo 13 si Aguacito sa kinakasama niyang si Divina Barniego.

Kuwento ni Barniego, pauwi na sa kanilang bahay si Aguacito sa Barangay Paraiso para ihatid ang gatas ng bunso nilang anak na 7 buwan pa lang at ang ulam nilang pamilya.

"Susunduin din sana niya ako para mamasada ulit. Kasi kailangan pa daw niyang kumita para sa kasal," ani Barniego.

Dagdag ni Barniego na gusto lamang ni Aguacito ang magka-tricycle, makasal sila, at makapagtapos sa pagaaral ang kanilang 3 anak.

Nasa kindergarten pa lamang ang kanilang panganay habang 3 taon naman ang sumunod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.