Bangkay ng Pinay na pinatay sa Ireland, naiuwi na

ABS-CBN News

Posted at May 31 2018 05:36 PM

ANGELES CITY, Pampanga - Dumating sa bansa nitong Miyerkoles ng gabi ang mga labi ng 24-anyos na estudyanteng Filipino na natagpuang patay ilang araw matapos mapabalitang nawawala.

Inuwi ng kaniyang mga magulang ang katawan ni Jastine Valdez at nakatakda silang tumulak patungong Nueva Vizcaya upang muling masilayan ng mga kapamilya at kaibigan ang yumaong dalaga.

Natagpuan ang katawan ni Valdez malapit sa isang golf course sa Pucks Castle Lane sa Dublin. Huli siyang nakitang buhay na kinakaladkad papasok ng isang sasakyan sa Enniskerry, County Wicklow.

Tatlong taon nang namamalagi sa Ireland si Valdez kasama ang kaniyang mga magulang na kapwa Irish citizens. Nag-aaral siya ng accountancy habang nagtatrabaho sa isang restaurant.

Natukoy at napatay na ng pulisya ang suspek na kinilala bilang si Mark Hennessy, 40.

Nakalakap naman ang isang grupo ng volunteers na tumutulong sa embahada ng Pilipinas sa Ireland ng €81,488 o P5,035,958 bilang memorial fund para kay Valdez.

- ulat ni Pauline Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.