Bangkay ng babaeng 5-buwang buntis, natagpuan

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at May 31 2018 04:59 PM | Updated as of May 31 2018 05:37 PM

photo courtesy: ppo

BALABAC, Palawan – Patay na nang matagpuan ang isang babae na limang buwang buntis sa Sitio Danglis, Barangay Poblacion VI, Miyerkoles ng tanghali.

Natagpuan ang bangkay ni Ailyn Pacao Gallego, 21-anyos, may 400 metro lamang ang layo mula sa kaniyang tahanan.

Ayon umano sa Rural Health Unit ng Balabac, may tama sa ulo ang biktima.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng awtoridad, nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at ang asawa nito noong Mayo 28. Umalis umano ang biktima sa bahay at hinanap ng kaniyang asawa kinabukasan nang hindi ito umuwi.

"Umuwi po itong babae na nakainom at nagalit ang asawa nito dahil buntis nga raw ito at bakit umiinom? Pag-alis ng babae ay hindi na ito nasundan. Kinabukasan nito ay natagpuan na itong bangkay,” ayon kay Senior Inspector Ric Ramos, information officer ng Palawan Police Office.

Hindi pa malinaw sa awtoridad ang totoong motibo sa pagpatay. Inaalam naman ng pulisya ang mga huling nakasama ng biktima sa inuman.

Humiling na rin ang pulisya ng tulong ng Scene of the Crime Operatives para matulungan sila sa pagproseso sa crime scene at matukoy ang totoong dahilan ng pagkamatay ng biktima.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.