Patay ang 5 katao sa lalawigan ng Bulacan sa magkakahiwalay na operasyon ng mga pulis kontra kriminalidad.
Nilinaw ni Bulacan police chief Senior Supt Chito Bersaluna na hindi marahas ang pulisya sa paghuli sa mga suspek at nanlaban lang ang mga napatay.
"Talaga namang may mga baril ang ating suspects," sabi ni Bersaluna.
"Doon naman sa hindi mga nagre-resist, walang violent resistance, sila naman ay hinuhuli nang maayos," dagdag niya.
Sa Barangay Sampaloc, San Rafael, dead on the spot si alyas "Pilay" nang hulihin sila ng mga pulis sa isang buy-bust operation.
Nakatakas naman ang kasamahan ni Pilay. Sakay ang dalawa ng traysikel nang isagawa ang operasyon.
Sa Barangay Batia, Bocaue, napatay sa loob ng kaniyang bahay si Jerry Santiago nang manlaban umano sa mga pulis sa buy-bust operation.
Dinepensahan si Santiago ng kaniyang kaibigan na sinabing taga-halo ng darak lang ang trabaho ng suspek.
Sa Barangay Atlag, Malolos City, patay naman ang hinihinalang drug pusher na si Benjamin Sarmiento, alyas "Pogi," nang mauwi sa barilan ang buy-bust operation laban sa kaniya.
Kabilang umano si Sarmiento sa drug watch-list ng barangay.
Napatay naman sa Sta. Maria, Bulacan ang isang suspek na nagnanakaw umano ng mga motorsiklo.
Ibinebenta umano ng suspek na si Caloy Calunod ang nakaw na sasakyan sa halagang P5,000.
Pero nagpaputok ito nang makahalatang pulis ang mga katransaksiyon.
Ayon kay Bersaluna, tuloy-tuloy ang agresibong pagsugpo ng Bulacan police laban sa kriminalidad.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, krimen, Bulacan, police operation, drug operation, war on drugs, shabu, motorsiklo, TV Patrol, Dennis Datu