2 'kawatan' ng damit at computer parts, timbog

Berchan Angchay, ABS-CBN News

Posted at May 31 2018 09:33 PM

DAVAO CITY - Arestado ang dalawang lalaki Martes ng hapon nang mahuling nagnanakaw ng mga panindang damit sa loob ng department store ng isang mall sa Davao City.

Kinilala ang dalawa na sila Jasper Palawan at Vincent Tan.

Kapwa inendorso sila sa estasyon ng pulisya, at napag-alamang kasama sa "rogue's gallery" ng Santa Ana Police Station si Palawan, na umano'y sangkot sa serye ng pagnanakaw ng mga computer parts sa mga internet shops sa lungsod.

"Side trip lang nako to, dili nako ni panginabuhian.. Nabuhat lang nako to ba kay naipit sa kinabuhi.. Naa man gud ko anak," ani Palawan.

(Trip ko lang 'yun, hindi ito ang kabuhayan ko. Nagawa ko lang yun sa hirap ng buhay. Meron kasi akong anak.)

Agad namang ipinaalam ng pulisya ang mga nabiktima ni Jasper sa pagnanakaw ng computert parts.

Sa inilabas na CCTV footage, makikita ang pagtangay ni Palawan ng memory card sa biniktima nitong internet cafe.

Watch more in iWant or TFC.tv

Video mula sa Santa Ana Police Station

Napagtanto rin na hindi lang isa, ngunit marami pang internet cafe ang nabiktima umano ng suspek.

"Pagka endorse sa ila nakita tung isa nga apil sa rogues gallery.. Daghan pud nga complainant miabot" sabi ni Senior Inspector Luisa M. Bengil.

(Nung inendorse namin siya nag match ang mukha niya sa aming rogues gallery. Maraming complainant ang nagsidatingan.)

Patong patong na kasong theft ang kakaharapin ni Palawanat kasong pagnanakaw ng damit naman sa department store ang isasampa kay Tan.

Nagkakahalaga ng mula P4,000 hanggang P5,000 ang bawat isang memory card na tinangay umano ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.