Problema sa Marawi: Paghahatid ng suplay, pagsalba sa naiwan

ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 07:59 PM | Updated as of Jun 01 2017 10:08 AM

Gamot, gatas ng mga bata, ipinapanawagan ng mga lumikas; seguridad sa evacuation centers, hinigpitan kontra paghalo ng mga terorista 

Papaubos ang mga gamot at gatas pambata sa mga evacuation centers na tinakbuhan ng mga sibilyan mula sa Marawi City habang nagbubuwis ng buhay ang mga pumapasok sa siyudad para isalba ang mga naiwan at hindi nakatakas mula sa bakbakan. 

Nakaabot na sa evacuation center sa Barangay Maria Cristina sa Iligan City ang mga grupong gaya ng Sagip Kapamilya at Red Cross, bitbit ang tulong na kayang mahakot at maipamigay. Pero problema ang pagtatawid sa gutom ng mga mamamayan sa mga darating na araw. Sa ngayon, nasa 140,000 na ang apektado ng digmaan, ayon sa crisis committee. 

Isang ligtas na ruta para daanan ng mga inililikas at ng mga magdadala ng tulong sa mga 'bakwit' naman ang napagkasunduan ng gobyerno at ng MILF. 

Hirap ng pagtakas 

Mahigit 100 ang posibleng namatay sa bakbakan sa Marawi City kung pagbabatayan ang impormasyon mula sa mga residente, ayon sa Provincial Crisis Management Committee.

Naluluhang ikinuwento ni Abdul Nasser ang hirap na dinanas ng mga tulad niyang pilit umeskapo sa karahasan. Walo raw silang nakalabas agad matapos languyin ang ilog na naghahati sa kuta ng Maute at sa puwesto ng militar. 

Kuwento niya, maraming sibilyan sa kanilang lugar ang naiwan at natamaan ng mga bala. Marami rin daw silang nakitang bangkay ng mga residente.

Paliwanag ng Provincial Crisis Management Committee, kailangan nilang puntahan muna ang mga conflict area bago magbigay ng datos sa bilang ng mga nasawing sibilyan.

Sa datos ng LGU at militar, nasa dalawang libo pa ang na-trap na mga residente sa tatlong barangay na sentro ngayon ng bakbakan.

Kanina, mahigit 30 residente ang nasagip ng militar at lokal na pamahalaan mula sa conflict areas. 

Mabilis na lumabas sa kanilang bintana ang mga residente at tumalon sa sasakyan ng mga rescuer habang sobrang takot sa nangyayaring bakbakan. 

Sa isa pang bahay, sinira na ang pinto para makuha ang isang senior citizen. Binuhat ng mga rescuer ang matanda na hinang-hina dahil isang linggo nang walang kain.

Agad silang dinala sa labas ng Marawi.

Ayon sa militar, tukoy na nila kung nasaan ang sinasabing lokasyon ng mga residente at iniiwasan na ito ng mga air strike.

Ang problema, humahalo na raw sa mga sibilyan ang mga natitirang Maute kapag bumabanat na ang militar mula sa itaas.

Seguridad sa evacuation centers, hinigpitan

Mahigpit naman ang seguridad sa evacuation centers sa mga karatig bayan ng Marawi bilang pag-iingat kontra terorista.

Mismong mga ‘bakwit’ na rin ang naghihigpit sa pagpapapasok ng mga tao sa evacuation center.

Hindi nila basta-basta pinapayagang pumasok ang mga evacuee na hindi nakalista, hindi kakilala o iyong mga taga-ibang lugar.

Pero di lahat ng mga lumikas sa Marawi ay tumutuloy sa mga evacuation center.

May ilang ‘bakwit’ na nakikituloy muna sa mga kaanak. Pero dahil kapos sa panggastos, pumipila rin sila sa mga namimigay ng relief goods sa evacuation centers.

Kuwento ng isang bakwit, bukod sa kumakalam na sikmura, iniisip niya na rin ngayon ang tingin ng mga tao sa mga tulad niyang Muslim. Paliwanag niya, nakakapangliit dahil ang tingin sa kanila ngayon ng buong mundo ay terorista.

Sa gitna ng karahasan, bumuhos ang tulong mula sa mga nagmamalasakit na kababayan.

Patuloy ang pamamahagi ng tulong ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD). Laman ng isang kahong kanilang ipinamamahagi ang limang kilong bigas, apat na sardinas, apat na corned beef at anim na sachet ng kape.

Naglagay naman ang Red Cross ng isang water bladder na may lamang limang libong litro ng inuming tubig sa kapitolyo ng Lanao del Sur.

Pero umaasa ang mga ina na mabigyan din ng gatas ang kanilang mga sanggol. May ilang nanay na naghahalo na lang ng asukal at tubig para maipainom sa mga sanggol.

Humihingi rin ng gamot ang ilang maysakit na bakwit.

Namahagi na rin ng tulong ang Sagip Kapamilya sa evacuation center sa Brgy. Maria Cristina sa Iligan city.

Halos 200 pamilya ang nabigyan ng tulong. 

Nananawagan ang Lingkod Kapamilya sa mga nais tumulong sa mga pamilyang naapektuhan ng gulo sa Marawi.

Peace corridor, itinakda

Nagtakda na ng “peace corridor” si Pangulong Duterte at ang Moro Islamic Liberation Front para matulungan ang mga sibilyang apektado ng sigalot.

Magsisilbi itong ligtas na ruta para daanan ng mga inililikas at ng mga magdadala ng tulong sa mga bakwit.

Isang mapa ang in-upload sa website ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process para tukuyin ang mga lugar na sakop ng “peace corridor” na sakop ang ilang munisipalidad sa Lanao del Sur.

Tiniyak ng MILF sa kanilang pulong sa Pangulo nitong Lunes na makikipagtulungan sila para mandohan ang seguridad sa “peace corridor.”

-- Ulat nina Ron Gagalac at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.