Pateros, Pasig, at Taguig, pansamantalang mawawalan ng tubig

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 07:07 PM

Pansamantalang mawawalan ng tubig ang Pateros, Pasig, at Taguig Miyerkoles 8p.m. hanggang Huwebes 6 a.m.

Ito ay dahil magpapalit ng pipe ang Manila Water dahil luma na raw ito at kailangang itaas dahil nasa ilalim ng isang tulay.

“Ang location ng pipe ay nasa ilalim ng tulay, yung level ng tubig sa Parian Creek medyo mataas na,” ani Dittie Galang, media planning and tactical development manager ng Manila Water.

“Kung umulan at medyo tumaas ang lebel ng tubig ng konti, kung ano man ang debris na nandun sa tubig tumatama na sa pipe at lumalaki ang chance na baka ma-damage ang main line. Kailangan nang itaas para makaiwas sa abala sa mga residente.”

Maakpektuhan ang 53,000 kabahayan sa 37 barangay sa Pasig habang apektado naman ang buong Pateros.

Mga apektadong lugar:

Lahat ng barangay sa Pateros

Labingapat na barangay sa Pasig:

  • Kapasigan
  • San Jose
  • Sta. Rosa
  • Sumilang
  • Bagong Katipunan
  • Malinao
  • Palatiw
  • San Nicolas
  • Sta. Cruz
  • Sto. Tomas
  • Bambang
  • San Joaquin
  • Kalawaan
  • Buting

Labingtatlo sa Taguig:

  • Ususan
  • Tuktukan
  • Sta. Ana
  • Ibayo Tipas
  • Ligid Tipas
  • Napindan
  • Palingon
  • Calzada
  • Wawa
  • San Miguel
  • Hagonoy
  • Bambang
  • Portions of New Lower Bicutan

Kampante ang Manila Water na matatapos ito ng mas maaga sa 6a.m., lalo't ang naunang bahagi ng proyekto na ginawa noong Mayo 15 sa kaparehong lugar ay natapos ng mas maaga.
Meron ding naka standby na 20 water tankers na magbibigay ng libreng tubig sakaling maubusan na ito.

Posibleng maantala ang proyekto kung magkaroon man ng problema o umulan ng malakas.

“Kung sakali mang may extensions [ay] magdadagdag po tayo ng water tankers,” ani Galang.

Nakatakda rin sa Hulyo 1 at 2 ang water service interruption sa Mandaluyong at Taguig.