Maute mabangis habang nakukubkob sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 06:41 PM | Updated as of May 31 2017 11:48 PM

Malapit nang lubusang mabawi ang Marawi City, ayon sa gobyerno. Pero mabangis ang nagiging paglaban ng grupong Maute na pumasok at nagkuta sa siyudad ng isa sa pinakamahihirap na probinsiya sa Pilipinas isang linggo na ang nakararaan. 

Kontrolado na ng militar ang 90% ng Marawi, ayon sa spokesperson ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito rin ang pahayag ng Crisis Management Committee ng Lanao del Sur bagama't wala pa umanong senyales kung kailan matatapos ang gulo.

Bukod dito, tumaas pa ang bilang ng mga namatay sa bakbakan sa Marawi City na umabot na sa 129.

Sinabi ni AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na 89 na ang patay sa hanay ng Maute Group, 21 sa tropa ng pamahalaan, at 19 na mga sibilyan.

Kasisikat pa lang ng liwanag kanina, hindi na tumitigil ang mga sundalo sa pagkilos kasabay ng walang puknat na air strike.

Habang lumulusob ang mga ground troops, halinhinan naman ang mga helicopter at eroplano ng militar sa pagtatapon ng bomba at pagbistay ng bala sa mga hinihinalang puwesto ng kalaban sa Marawi City.

Sinara rin muna ang kalsada sa bukana ng Marawi at tumigil muna sa biyahe ang lahat ng tao sa gitna ng mas tuminding air strike at ground operations ng militar.

Maging ang mga relief operations, hindi agad pinapayagang makausad nang walang clearance ng militar.

Kinokontrol muna ang kilos ng mga tao dahil may mga lugar sa gilid-gilid ng lungsod na hindi pa tapos sa clearing operations ng militar.

Ang isang eskinita sa Marawi, bagaman mukhang bakante at walang tao, may impormasyon ang militar na posibleng may sniper sa lugar.

Ang naturang eskinita ang inuulat ng mga piloto ng helicopter na pinanggagalingan ng direksyon ng putok na bumabakbak sa kanila, tuwing lumilipad nang mababa sa Marawi.

Hindi rin basta umuusad ang mga ranger dahil masikip ang mga eskinita at mapapansing maraming elevated na lugar sa bandang itaas na puwedeng puwestuhan ng kalaban.

2 tulay papasok sa sentro ng Marawi, natawid na ng militar; 2 sundalo patay

Natawid na ng AFP ang dalawang tulay na papasok sa sentro ng Marawi City ngunit dalawang sundalo ang namatay dahil sa tindi ng depensa ng Maute group.
    
Hindi agad isinusuko ng Maute group ang mga tulay dahil pagtawid sa mga tulay na ito ay ang sentro ng Marawi City at ang kuta nila.
     
Kahit nakatapak na ang pulis sa mga tulay na ito, nandoon pa rin sa bungad ang matinding bakbakan sa pagitan nila at ng Maute group.
    
Mula kaninang madaling araw hanggang ngayong gabi, sabay na sinalakay ng iba’t ibang unit ng AFP ang mga tulay at mga kalabang nakabantay dito.

Natawid ng Philippine Marines ang Mapandi Bridge na pinagtaasan ng mga ISIS flag habang nakuha naman ng Philippine Army ang Bayabao Bridge.

Namatay naman ang isang junior officer sa tulay ng Bayabao at isang sarhento ang napatay sa tulay ng Mapandi.
    
Pinasabugan din ng improvised explosive device ang isang tangke kaya umuwi itong flat ang gulong at may butas sa gilid.

Maute group, humihina na ayon sa AFP

Ayon sa AFP, humihina na ang kalaban dahil sa kakulangan ng bala, pagkain, at iba pa.

“Maute members still left fighting fortified in tall concrete buildings, running out of bullets, going house to house, looking for food, seeking males to join them, very desperate, morale very low,” ayon kay Lt. Col. Jo-ar Herrera, tagapagsalita ng 1st Infantry Division.

Pero ayon sa ibang tropa, agresibo pa rin ang kalaban at ramdam din ang buwelta ng Maute group kahit sa mga lugar na dati namang ligtas nang puntahan.

Pari sa video 

Nabuhayan naman ng loob ang pamilya ni Father Chito Suganob matapos makita ang kanyang video sa social media.

Sa video, nanawagan si Father Suganob sa pamahalaan na itigil ng militar ang opensiba.

Pero labis ang pag-aalala ng kapatid niyang si Mang Roqueto, na nangangamba na baka gawing human shield ng Maute group ang kanyang kuya.

Nanawagan si Mang Roqueto ng panalangin para sa pari at mga sibilyang hawak ng Maute group.

Ayon sa militar, may mga pag-uusap na para mapalaya ang pari at iba pang mga bihag. 

Paliwanag pa ni Padilla, tagapagsalita ng AFP, ginagawa nila ang lahat para masiguro ang kaligtasan ng mga nabihag na sibilyan. Dagdag pa niya, na-trap na ang mga terorista at propaganda lamang ng Maute ang inilabas na video. 
    
-- Ulat nina Chiara Zambrano at Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.