Mangingisda, natagpuang patay sa Tacloban

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 11:54 PM

Natagpuan ang katawan ni Marc Joseph Dela Cruz sa dagat, isang araw matapos tumaob ang sinakyan nitong bangka sa Panalaron Bay. Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

TACLOBAN CITY – Patay na nang matagpuan sa dagat Miyerkoles ng umaga sa Tacloban City ang isang lalaking manghuhuli sana ng isda. 

Nakilala ang biktima na si Marc Joseph Dela Cruz, 22, ng Barangay 100, Scandinavian Village, San Roque, Tacloban City.

Ayon sa impormasyon mula sa mga otoridad, isa si Dela Cruz sa mga sakay ng isang bangka na tumaob noong Martes, dahil umano sa malakas na alon sa Panalaron Bay.

Nakaligtas ang tatlong iba pang kasama ng biktima.

Kwento ni Flordeliza Dela Cruz, nanay ng biktima, hindi niya pinayagan ang anak nang magpaalam ito sa kanya upang sumama sa pinsang manghuli ng isda, ngunit huli na niyang nalaman na nawawala na ito.

Malaki ang panghihinayang nito dahil sa susunod na taon ay magtatapos na ito dapat sa pag-aaral.

Simula kagabi, agad na kumilos ang mga rescuers upang mahanap ito, ngunit kaninang umaga na ito natagpuan malapit lamang sa lugar kung saan tumaob ang sinasakyang bangka.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.