Lalaking nakamotor, patay matapos sumalpok sa pick-up

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 03:59 PM | Updated as of May 31 2017 04:23 PM

ILOCOS NORTE - Dead on the spot ang isang 25 taong gulang na lalaki matapos itong maaksidente sa Barangay 21 sa bayan ng Sarrat sa Ilocos Norte Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si AJ Arce, residente ng Barangay Banaoang sa bayan ng Bantay, Ilocos Sur.

Base sa imbestigasyon, sakay ng motorsiklo, nakasalubong ni Arce ang isang pick-up na minamaneho ng magsasakang si Joselito Balinong nang mangyari ang aksidente.

"Mabilis itong pick-up. Kurbada na ‘yun, kaya nai-diretso pa rin niya. So ang may sala dito ay itong Fuego (pick-up) na nakabangga," ani Chief Inspector Roldan Suitos, hepe ng pulisya ng Sarrat.

Sa lakas ng impact, tumilapon si Arce. Nagkayupi-yupi ang kanyang motorsiklo habang dumiretso naman sa bangin ang pick-up ni Balinong.

Walang tinamong sugat si Balinong at ang 3 pa niyang kasama sa sasakyan.

Paliwanag ni Balinong, nakainom siya ng alak nang mangyari ang aksidente. Sinubukan pa niya umanong iwasan ang motorsiklo hanggang dumiretso at nahulog siya sa bangin.

Haharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide si Balinong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.