Kahong may fetus, napagkamalang bomba

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 01:00 PM | Updated as of May 31 2017 05:50 PM

MANILA - Nabulabog ang mga residente ng Barangay Kabayanan, San Juan Miyerkoles matapos akalaing may bomba ang isang kahon na fetus pala ang laman. 

Dakong alas-6 ng umaga nakita ang kahon ng sapatos sa A. Bonifacio Street, malapit sa simbahan ng Sanctuario de Santo Kristo, ayon kay San Juan police chief Senior Supt. Lawrence Coop. 

Agad namang nagpatawag ng Explosive Ordnance Division (EOD) ang mga pulis at ginamitan ng water disruptor ang kahon.

Matapos mapatunayang negatibo sa bomba ang kahon at siyasatin ito, tumabad sa mga pulis ang isang fetus.

Pinabasbasan muna ng mga pulis ang natagpuang fetus bago i-turnover sa EOD ang kahon. 

Samantala, isang anim na buwang babaeng fetus naman ang nadiskubre sa loob ng basurahan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

May dugo pa ang fetus nang matagpuan ito ng airport janitor sa loob ng banyo katapat ng Gate 118 ng NAIA T3. na si Elvira Dejon ang fetus 

Ayon sa janitor, tinanong niya ang isang babaeng pasahero na huli niyang nakita sa banyo kung sa kaniya ang fetus pero itinanggi raw iyong ng babae.

Naniniwala ang mga awtoridad na maaaring isang pasahero sa domestic flight ang ina ng fetus.
 
Sinusuri na ng airport authority ang kanilang closed-circuit television camera para malaman ang pagkakakilanlan ng ina ng fetus.

Nai-turn over na ang fetus sa Pasay police.

-- Mga ulat nina Anjo Bagaoisan, Henry Atuelan, at Raoul Esperas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.