K-9 handler, natagpuang patay sa Laoag City

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2017 12:36 AM

LAOAG CITY - Natagpuang patay ang isang K-9 handler ng Philippine American Life and General Insurance Company sa loob ng compound ng kumpanya sa Laoag City, Ilocos Norte nitong Miyerkules.

Unang nakita ng janitor na si Dominador Corpuz ang nakahandusay na katawan ni Joelito Rosel, 49, malapit sa stock room Lunes ng hapon.

“Sabi ko, bro pahiraman naman ng ballpen mo. Walang sumasagot hanggang sa nakita ko na lang nakahandusay siya,” ani Corpuz.

Tatlong linggo pa lang si Rosel sa Laoag City-Branch ng kumpanya bilang K-9 handler. Tubong Barangay Pinyahan, Quezon City ang biktima.

Tinatayang 4 hanggang 5 oras nang patay ang biktima bago ito matagpuan.

Sa inisyal na eksaminasyon, lumalabas na hypertension o high blood pressure ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.

Wala namang nakikitang foul play ang mga pulisya sa nangyaring insidente.

“Wala naman pong makita na sign of struggle or sign of foul play,” ani Supt. Edwin Balles, hepe ng Laoag City Police.

Nagpaalala ang Laoag City health office tungkol sa hypertension na itinuturing “silent killer” at isa sa mga dahilan ng mga cardiovascular disease.

Ayon kay Dr. Renato Mateo, ang mga pangunahing dahilan ng hypertension ay stress, unhealthy lifestyle, at hindi balanseng diet. 

Payo ni Mateo, regular na mag-ehersiyo, iwasan ang anumang bisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak, at kung maaari ay kontrolin ang pagkain ng mga matataba at maaalat na pagkain. 

Kada buwan din daw dapat ang magpa-check-up para mamonitor ang pressure ng dugo, lalo na sa mga lagpas 140 over 90 ang blood pressure.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.