Epekto ng travel advisories at batas militar, dama sa Palawan

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 11:57 PM

PALAWAN - Rebooking at kanselasyon. Ito ang sunod-sunod na naranasan ng mga tourism-related establishments sa Palawan.

“We experienced cancellation and rebooking. Kahit may konting charge sa refund nila, kinuha na nila basta ma-ancel nila,” ani Debbie Tan, presidente ng Palawan Tourism Council.

Sanhi umano ito ng travel advisory na inilabas ng embahada ng Estado Unidos at mas lumala pa nitong Mayo nang ideklara ng presidente ang batas militar sa Mindanao.

Marami umanong turista na pupunta sana sa Palawan ang nagdesisyong huwag nang ituloy ang kanilang biyahe.

“They decided not to come, dito sa phone ko may mga inquiries pa rin doon sa situation ng safety for those booking even up to next year,” ani Tan.

Dagdag niya, nagkakaroon umano ng negatibong imahe ang Pilipinas at Palawan sa mga dayuhan, ngunit nagpasalamat pa rin sila sa malaking tulong ng nagagawa ng social media.

May mga turista umano kasi na patuloy na nagpo-post sa social media na ligtas sa Palawan.

“We have few tourists who come but thankfully they post pictures on Instagram or Facebook that ‘I’m here in Palawan, Palawan is safe,'" ani Tan.

Dagdag niya, habang ginagawa ng mga awtoridad ang lahat upang maging maayos at mapayapa ang lalawigan, sana ay magsama-sama ang lahat at magkaisa na ipagdasal ang mga nangyayaring kaguluhan sa bansa at matuldukan na ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.