Dagdag-buwis sa soft drink, 3-in-1, lusot sa Kamara

ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 08:30 PM | Updated as of Jun 01 2017 01:14 AM

Pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang tax reform bill na isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nasa 246 na kongresista ang bumotong pabor sa panukalang batas, 9 ang kontra, at isa ang nag-abstain.

Sa panukalang batas, magpapataw ng mas mababang personal income tax o magkakaroon ng income tax exemptions. Hindi na bubuwisan iyong mga kumikita ng mas mababa sa P250,000 kada taon. 

Itinaas naman sa P100,000 ang halaga ng bonus na libre sa buwis mula sa kasalukuyang P82,000 kada taon.

Kailangan naman munang maglabas ng bersiyon nitong panukalang batas ang Senado bago tuluyang umusad ang isinusulong na reporma sa buwis. Inaasahang tatatalakayin ito ng Senado pagkatapos ng State of the Nation Address ni Pangulong Duterte sa Hulyo. 

Para naman mabawi ang mawawalang kita ng gobyerno dahil sa inamyendahang personal income tax, papatawan ng mas mataas na buwis ang mga produktong petrolyo, mga bibilhing bagong sasakyan, at ang mga inumin tulad ng soft drinks at 3-in-1 na kape. 

Inaasahang lalago ang ekonomiya ng bansa sa taong 2022 kung matutupad ang reporma sa pagbubuwis ng gobyerno, ayon sa hepe ng National Economic Development Authority, si Director General Ernesto Pernia. 

Sinisiguro rin, aniya, ng gobyerno na mayroong magiging subsidiya sa mga maaapektuhan ng mas mataas na presyo ng bilihin o presyo ng pampublikong transportasyon.

'Achievement' ng Kamara

Ipinagmalaki ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pagkakapasa ng comprehensive tax reform package (CTRP) sa kanyang kapulungan. 

Kapag naisabatas, aniya, maitatama ng CTRP ang ''outdated'' na sistema ng 1997 National Internal Revenue Code. 

Pero hindi lahat ay masaya, kasama na ang ilang miyembro ng 'Supermajority'.

Hindi ito ibinoto ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves dahil para sa kanya, mas mabuti na ayusin ang koleksiyon ng buwis sa Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs, kaysa dagdagan ang kokolektahin mula sa taongbayan.

''Hindi maka-mamamayan''

Tinawag namang ''hindi maka-mamamayan'' ang panukala ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate. 

Ayon kay Zarate, kahit itinaas sa P250,000 kada taon ang exempted sa income tax, tinanggal naman ang dating personal tax deduction, at deduction sa medical at health insurance. 

Bubuwisan na rin, aniya, ang fringe benefits ng mga manggagawa.

''Tataas ang buwis, bayarin at pangunahing bilihin para sa mas maraming mamamayan sa ipapataw na excise tax sa produktong petrolyo lalo na sa LPG, diesel at gaas, at sugar sweetened beverages, at sa pagtanggal sa VAT exemption ng murang pabahay, at upa sa bahay na P10,000 pababa."

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.