Bayan sa Maguindanao, nasa state of calamity dahil sa pagbaha

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 03:50 PM | Updated as of May 31 2017 06:32 PM

MAGUINDANAO (UPDATED) - Isinailalim na sa state of calamity ang buong bayan ng Mother Kabuntalan, Maguindanao dahil sa lawak ng pinsala ng baha sa 17 barangay.

Sa bisa ng Resolution No. 140 na ipinasa ng Sangguniang Bayan nitong Miyerkoles, isinailalim na sa state of calamity ang buong bayan ng Mother Kabuntalan dahil sa lawak ng pinsala, kung saan apektado ngayon ang nasa 4,107 na pamilya. 

Kabilang sa napinsala ang 40 hektaryang taniman ng mais at palay.

Sa pananaw ng lokal na pamahalaan, aabutin pa nang 3 hanggang 4 na buwan bago tuluyang humupa ang baha sa bayan.

Mapapansin din na stagnant ang tubig baha sa bayan, lalo na sa mga paaralan. 

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, wala pa ring ipinagbago ang sitwasyon sa bayan ng Mother Kabuntalan mula Martes.

Sinasabing mas tumaas ang tubig at mas lumawak ang pinsalang dulot ng baha.

Lubog pa rin sa baha ang compound ng municipal hall, Sangguniang Bayan, at police station; umapaw na rin ang tubig sa highway sa Barangay Lower Taviran.

Ayon sa sa mga residente ng barangay, tumaas ng isang talampakan ang baha ngayong araw kung ikukumpara nitong Martes.

Sa kabila nito, maraming mga residente ang hindi pa rin nagsisilikas at mas piniling manatili sa kanilang mga bahay.

Halos lahat ng pampublikong paaralan sa bayan ay lubog na rin sa baha, kabilang na ang Kabuntalan Elementary School.

Abot hanggang tuhod ang baha sa paaralan, kaya't pinoproblema ngayon ang pagbubukas ng klase sa Lunes kung hindi tuluyang huhupa ang baha.

Ang mga alagang hayop ay nasa kalsada dahil tumataas ang tubig.

Isa sa mga dahilan ng matinding pagbaha sa bayan ay ang pag-apaw ng Tamontaka River at Rio Grande de Mindanao dala ng patuloy na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.

Ang bayan ng Mother Kabuntalan ang tinaguriang catch basin o sumasalo sa volume ng tubig na mula sa kabundukan at mga kalapit lugar.

Ayon kay Kabuntalan Mayor Salaban Diocolano, hindi nila inaasahan ang biglaang pagbaha sa kanilang bayan.

"Itong flooding ngayon sa Kabuntalan, biglaan po ito. Dati, month of August bago magbaha dito," ani Diocolano sa isang interview sa ANC.

Ang mga barangay ng Buterin, Payan at Katidtuan ang ilan sa mga pinakaapektado ng pagbaha.

Dagdag pa ni Diocolano, apektado ang pamumuhay ng mga residente dahil sa biglaang pagtaas ng tubig.

"Marami po 'yung na-damage na palay, at marami rin po 'yung na-damage na... kasi majority po ng mga tao dito sa amin mangingisda, at dahil sa tubig na biglaang tumaas, marami 'yung na-damage na kanilang mga gamit," aniya.

Inaasahang aabot nang apat hanggang limang buwan bago tuluyan humupa ang baha.

"Aabot ito ng four to five months bago magbaba. Matagal maalis itong sa amin," ani Diocolano.

Inaasahang sa susunod na linggo ay makakapagbigay na sila ng relief goods sa mga apektadong pamilya matapos ang validation at assessment sa naging pinsala ng kalamidad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.