Bar owner, patay sa pamamaril sa Isabela

Danielle Louise Rebollos, ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 12:46 PM

REINA MERCEDES, Isabela – Isang bar owner ang namatay sa pamamaril Martes ng umaga sa Reina Mercedes, Isabela.

Nakahandusay at wala ng buhay si Diether Maraggun, 59-anyos, sa kahabaan ng national highway sa Barangay Nappacu Grande.

Sakay siya ng kanyang motorsiklo nang tambangan ng hindi pa kilalang gunman.

Nagtamo ng isang tama ng bala ng baril sa ulo ang biktima na agad niyang ikinamatay.

May kinalaman sa iligal na droga ang isa sa mga tinitingnan anggulo ng mga pulis.

Ayon sa pulisya, sumuko na sa Oplan Tokhang si Maraggun at nasangkot na rin sa kasong may kinalaman sa iligal na droga sa lungsod ng Cauayan.

Isa pa umanong anggulong tinitingnan ng pulisya ay ang problema sa pamilya ng biktima. May pamilya umano sa Cauayan City ang biktima ngunit may kinakasama na itong iba sa Reina Mercedes.

Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa gunman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.