AIDS candlelight memorial, isinagawa sa Palawan

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2017 12:57 AM

Nagsindi ng kandila at ipinagdasal ng mga Palaweno ang mga namatay dahil sa HIV/AIDS. Hazel Salas, ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA – “Ending AIDS together”—ito ang nakalagay sa puting t-shirt ng mga kalahok na nakiisa sa 2017 candlelight memorial na isinagawa Miyerkoles sa Puerto Princesa City Coliseum.

Mensahe ito upang sama-samang sugpuin ang sakit na ito na kumitil na ng buhay ng marami.

Namuno si Calvin June Sintoy, ang executive director ng advocacy group H4 (Help, Health, Hope and Happiness) sa paggunita sa mga taong nabiktima na ng sakit na Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS).

Kaisa sila ng Kagawarang Pangkalusugan (DOH) upang maipakalat ang tamang kaaalaman sa Human immunodeficiency virus infection (HIV) at AIDS, at maiwasan na madagdagan pa ang mga taong namamatay dahil dito.

Isang ina ang nagbahagi ng hirap sa buhay ng magkasakit at mamatay ang anak nito na may AIDS. Para sa kaniya, pagmamahal at pag-iintindi ang ang nararapat na iparamdam sa mga taong nagkakasakit nito, sa halip na sila ay itakwil at pandirihan.

May mga dumalo rin na kinatawan ng mga Simbahang Katoliko at Muslim. Nilakipan nila ang pagsisindi ng kandila ng mataimtim na panalangin.

Ang pag-ilaw sa mga kandila ay simbolo umano ng pag-alala sa mga taong namayapa na dahil sa sakit na HIV/AIDS.

Nilubos na ng City Health Office ang aktibidad upang mas mapataas pa ang kamalayan ng mga mamayan patungkol sa pag-iwas at paggamot sa HIV/AIDS.

Patuloy pa rin na panawagan nila na huwag mag-atubuling pumunta sa health ceneter upang magpasuri at sumailalim sa screening. Paaala pa nila, hindi lang ito para sa mga miyembro ng komunidad ng mga lesbian, gay, bisexual, at transgender (LGBT), kundi para sa kung sinumang nakikipagtalik, kung anumang kasarian o gender preference. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.