6 timbog sa droga sa Puerto Princesa

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2017 12:27 AM | Updated as of Jun 01 2017 05:30 AM

PUERTO PRINCESA CITY - Anim na indibidwal ang arestado sa apat na magkakahiwalay na operasyon sa lungsod ng Puerto Princesa nitong Martes at Miyerkoles.

Martes ng gabi nang maaresto sa Barangay Sta. Monica ang tatlong lalaking kinilalang sina Rene Torre, Marvin Tabang, at Abdul Asis Mauntol.

Pawang nasa drug watchlist sina Torre at Tabang, habang isang "high-value target" si Mauntol.

Nakuha sa tatlo ang anim na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang sachet ng marijuana, at drug paraphernalia.

Pasado alas-12 ng madaling araw naman nang matimbog ang isang lalaki sa isang buy-bust sa Barangay San Manuel.

Kinilala ang suspek na si Jester Arcena, 32 taong gulang. Nakuha mula sa kanya ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu.

Arestado rin sa isang buy-bust sa Barangay Bagong Pag-asa si Matthew Almares bandang alas-2 ng madaling araw.

Nakuha kay Almares ang dalawang pirasong plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Bandang alas-3 nang maaresto sa Barangay Bagong Silang si Maria Rio Amama. Nakuha mula sa kanya ang isang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, P200 marked money, at drug paraphernalia.

Isinailalim ang mga suspek sa inquest. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.