5 commercial establishments sa Agusan del Sur, natupok

May Diez, ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 08:33 PM

Limang commercial establishment ang tinupok ng apoy, Miyerkules ng madaling araw sa Agusan del Sur. Photo courtesy of Jason Lira

AGUSAN DEL SUR- Limang commercial establishment ang tinupok ng apoy nitong Miyerkules ng madaling araw sa kanto ng Molave at Narra Avenue, Poblacion, Bayugan City.

Isang tindahan ng litsong manok at isang tirahan naman ang idineklarang "partially burned" ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Lahat ng ito ay umuupa sa isang dalawang palapag na gusali na pagmamay-ari ng isang Alex Burdeos.

Ayon kay SFO1 Felipe Marzon Jr., mabilis kumalat ang apoy dahil sa light materials. Naiulat na isa ang gusali sa mga pinakaluma sa Bayugan.

Tumulong sa pag-apula ng sunog ang fire station ng mga karatig-bayan pero tumagal pa rin ng halos 5 oras ang sunog.

Inaalam pa ng BFP kung ano ang talagang sanhi ng sunog. Sa inisyal na imbestigasyon, pinaghihinalaang koneksyon sa kuryente ang posibleng sanhi nito.

Tinatayang mahigit-kumulang P500,000 ang halaga ng pinsala ng sunog. 

Ayon sa BFP, walang nasaktan sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.