Period of interpellation para sa Maharlika Investment Fund, isinara na sa Senado

ABS-CBN News

Posted at May 30 2023 07:21 AM | Updated as of May 30 2023 07:29 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA -- Isinara na ng Senado ang period of interpellation para sa panukalang Maharlika Investment Fund o MIF kung saan kinuwestiyon ng ilang senador ang pangangailangang madaliin ang pagpasa sa naturang panukala.

Ayon kay Senate Minority Leader Sen. Koko Pimentel, maaari lamang itong i-certify as urgent ng Pangulo kung may kalamidad o emergency.

Sabi naman ni Sen. Mark Villar, main sponsor at may-akda ng batas, na si Pangulong Ferdiand "Bongbong" Marcos ang mas nakakaalam kung anong emergency meron ang bansa tulad na lamang ng kahirapan dulot ng pandemya.

Nilinaw din ni Pimentel kung ano ba talaga ang Maharlika Investment Corporation.

Paliwanag ni Villar, ito ay isang government-owned and controlled corporation (GOCC) na maituturing aniya bilang isang “special vehicle for investment” kung saan makalilikha ito ng higit 300,000 na trabaho ayon sa inisyal na pagtataya ng NEDA.

Dagdag pa niya, ituturing na mga public official ang mga magiging opisyales ng MIC.

Kaya giit ni Sen. Risa Hontiveros, dapat na mailagay nang malinaw sa panukala ang parusa sa mga opisyal ng MIC na masasangkot sa kurapsyon.

Samantala, ikinabahala ni Pimentel ang paggamit sa pondo ng Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) bilang inisyal na kapital ng MIF.

Ayon naman kay Villar, ito ay investible funds na nakikitaan nila ng oportunidad para lumago ang ekonomiya.

Sa bandang huli nagbotohan ang mga senador kung itutuloy pa ang interpellation sa katwirang nasagot na ang lahat ng mga isyu na may kinalaman sa MIF.

Dalawa lang mula sa oposisyon ang nagtaas ng kamay para sa pagpapatuloy ng period of interpellation kung kayat nagdesisyon si Senate President Migz Zubiri na ipahinto na ang period of interpellation at ituloy na ang period of amendments sa sesyon mamayang alas tres ng hapon.

Una nang sinabi ni Zubiri na plano nilang ipasa ang MIF bago mag sine die adjournment ang kongreso sa huwebes.

--TeleRadyo, 30 may 2023