MAYNILA—Namigay ng lugaw at tubig ang Philippine Ports Authority (PPA) sa higit 100 stranded na pasahero sa Manila North Harbour dahil sa Bagyong Betty nitong Lunes ng gabi.
Sa tala ng PPA, aabot sa 170 ang pasaherong nanatili sa passenger terminal na bibiyahe sana pa-Cebu, Butuan at Palawan.
Linggo pa ng gabi nasa terminal na si Elsa Arnado. Alas-9 ng umaga nitong Lunes sana ang kanyang biyahe patungong Butuan subalit kanselado ito dahil sa bagyo.
Kung bumuti ang panahon, Martes ng ala-1 ng hapon ang re-scheduled trip na kanyang nakuha.
"Ang hirap ng higaan dito ang sakit sa likod (ng upuan) kaya rito ko nakapatong sa bag," daing niya.
Ayon kay Aurora Mendoza, acting manager ng Manila North Harbour Port, 70 sa mga pasahero ay apektado naman ng delay dahil sa technical problem ng barko na biyaheng Cebu.
"May 25 yun noong nagka-technical problem yung barko. Pag-alis noon sa Mindanao delayed pagdating dito delayed ulit," ani Mendoza.
KAUGNAY NA ULAT
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.