Apat na tao, kabilang ang isang 7 taong gulang na lalaki, ang nalunod sa magkakahiwalay na insidente sa Batangas noong Lunes, ayon sa pulisya.
Kabilang dito ang dalawang nalunod sa mga barangay ng Bucana at Papaya sa bayan ng Nasugbu, ayon sa ulat ng Batangas Provincial Police Office.
Sa Barangay Bucana, nalunod ang 7 taong gulang na lalaki matapos umanong iwanang mag-isa sa swimming pool ng isang resort bandang alas-7:34 ng gabi.
Humiling ng autopsy ang mga magulang ng bata, na isasagawa sa National Forensic Office sa Camp Crame, Quezon City.
Sa Barangay Papaya, natagpuan naman sa may dagat ang bangkay ng isang 47 anyos na lalaki bandang alas-6:40 ng umaga.
Nakilala umano ang nasawi bilang si Alejandro Delos Santos, na taga-Barangay Burol Main sa Dasmariñas City.
Sa bayan ng Lian, nakita namang wala nang buhay ang 26 anyos na si Jhoniebel Estaño sa may dalampasigan ng Barangay San Diego bandang alas-5:30 ng hapon.
Nag-inuman umano sa isang beach resort si Estaño at kaniyang mga kasamahan saka nag-swimming hanggang sa nawala si Estaño.
Sa bayan naman ng San Juan, nalunod din ang 18 anyos na si Joshua Atienza habang nagsi-swimming sa ilog sa Barangay Poctol bandang alas-8:30 ng umaga.
Tinangay umano ng malakas na agos ng tubig sa ilog si Atienza.
— Ulat ni Arnell Ozaeta
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.