PatrolPH

Tulong hatid sa 5 pamilyang nakatira sa gilid ng kalsada sa QC

ABS-CBN News

Posted at May 30 2021 02:10 PM | Updated as of May 30 2021 06:23 PM

Tulong hatid sa 5 pamilyang nakatira sa gilid ng kalsada sa QC 1
Limang pamilyang nakatira sa gilid ng kalsada sa Quezon City ang hinatiran ng tulong ng Teleradyo bilang bahagi ng ika-14 anibersaryo ng istasyon.

May 2 linggo na mula nang isilang ni Jamaica ang ikatlong anak sa gilid ng kalsada sa Kamias Road, Quezon City.

Dahil sa hirap ng buhay, hindi na siya nadala pa sa ospital.

"Tinulungan lang po ako ni nanay para po lumabas 'yong inunan ko kasi 'yong baby ko, lumabas na rin po dito po sa mismong semento," kuwento ni Jamaica sa panayam ng ABS-CBN News.

Ipinanganak ang sanggol sa tulong ng kapuwa nangangalakal ng basura na si Jelyn.

"Ang buhay ni Jamaica, iniligtas ko lang, saka 'yong baby kasi, ang ulo ng baby, nasa tabi ng kalsada eh. Tapos binuhat ko na lang, nilagyan ko ng kumot 'yong bata," kuwento ni Jelyn.

Watch more on iWantTFC

Kamakailan, binigyan ng tulong ng TeleRadyo at Lingkod Kapamilya ng ABS-CBN ang pamilya nina Jelyn at Jamaica, pati ang 3 pang pamilyang kasama nilang nakatira sa tabi ng kalsada.

"Hindi lang natin kinukuha 'yong kwento nila para maibalita. Kinukuha rin natin 'yong kwento nila para mabigyan sila ng tulong hangga’t doon sa makakaya natin, o kaya nakakahanap tayo ng mga tao na pwedeng magbigay ng tulong para sa kanila," ani Rowena Paraan, head ng public service sa ABS-CBN News.

Ang kuwento nina Jamaica at Jelyn ay bahagi ng 14 na kuwentong tinutukan at tinulungan ng TeleRadyo bilang bahagi ng ika-14 na anibersaryo nito.

Inihahanda na rin ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya ang iba pang tulong para kina Jamaica at Jelyn upang matiyak na ligtas ang kanilang mga pamilya.

-- Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.