‘Special concern’ lockdown sa 3 lugar sa Quezon City, inalis na

Arra Perez , ABS-CBN News

Posted at May 30 2020 07:40 PM

MAYNILA--Inanunsyo ng pamahalaan ng Quezon City nitong Sabado na inalis na ang "special concern" lockdown sa tatlong lugar sa siyudad.

Inalis ang naturang lockdown sa Masbate Street sa Barangay Batasan Hills, at sa Victory Avenue at BMA Avenue sa Barangay Tatalon dahil natapos ang 14-day period nang walang bagong kaso ng COVID-19 sa mga lugar.

Ayon kay assistant city administrator for operations Alberto Kimpo, nagsagawa rito ng rapid testing at confirmatory swab testing.

Mananatili naman sa loob ng pitong araw ang special concern lockdown sa walong ibang initial areas, batay sa rekomendasyon ng Quezon City Health Department. 

Sa June 1, isasama sa special concern lockdown ang Calle 29, Barangay Libis matapos matukoy ang cluster ng active cases kung saan mahigit 100 pamilya ang nakatira.

Pinag-aaralan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagtatalaga ng temporary shelter para sa mga residente ng lockdown areas na magbabalik trabaho sa simula ng general community quarantine sa Lunes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.