Online learning, hirap ipatupad sa Sulu

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at May 30 2020 06:07 AM

May kahirapang ipatupad ang online learning sa Sulu dahil sa ilang mga problemang kinakaharap ng mga estudyante sa lugar, ayon sa isang opisyal ng Department of Education sa naturang probinsya.

Ayon kay Kiram Irilis, schools division superintendent sa Sulu, hindi kayang ipatupad ang online learning sa kanilang probinsya dahil sa mabagal na internet connection, problema sa supply ng kuryente, at kawalang kakayahang bumili ng laptap o smartphone ng mga magulang ng estudyante dahil sa kahirapan.

Dagdag pa niya, plano nilang mag-produce ng mga printed learning materials at modules para ipamahagi sa mga bata.

Hindi na aniya, kailangang pumunta ng paaralan ng mga bata at sa bahay na lang ito ipagpapatuloy ang pag-aaral sa gabay ng mga magulang at regular din dapat ang monitoring ng mga guro sa kanilang mga estudyante.

"I-house to house rin ng mga teachers natin pagdating ng mga printed materials, in fact, may directives coming from [Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao], galing sa ministry namin, na mayroon daw mga books na darating ngayon anytime para sa opening of classes," ani Irilis.

"'Yun na yung gagawin naming printed materials at saka modules na ibibigay sa bata, imo-monitor din ng mga teachers sa bahay ang mga bata kung ginagawa ba nila ang trabaho nila o wala,“ dagdag pa niya.

Dahil hirap rin ang telecommunication signal sa Sulu at hindi rin lahat ng bata ay may cellphone, pina-plano ni Irilis na bumili ng 50,000 na mga handheld radio para sa mabilis na komunikasyon ng mga guro at kanilang estudyante.

Ang problema lang, aniya, wala silang sapat na pondo para bumili ng libo-libong handheld radio.

"'Yun yung other alternative na ginawa ko para madali sa mga bata kung mahirap tayo mag-contact then we will provide them with radio icom (handheld) para ma-contact natin bawat bata. Pero ang problema kasi dito it needs big amount to purchase this gadget,” ani Irilis.

Plano ng opisyal na humingi ng tulong sa lokal na pamahalaan ng Sulu at pag-usapan kung ano ang pwedeng gawin para matulungan ang mga bata sa alternative learning system.

Ayon kay Irilis, hindi rin pwedeng gamitin ang telebisyon at radyo bilang alternative medium of learning dahil hindi naman lahat ng kanilang estudyante ay may TV at radyo sa bahay, habang ang ilan nama'y walang supply ng kuryente.

Sa kabila nito ay tuloy pa rin ang enrollment sa Sulu simula sa Lunes.

Hindi na kailangang pumunta ng paaralan ang mga magulang dahil tatawagan na lang sila ng mga guro para kunin ang mga kailangang impormasyon ng kanilang mga anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.