'No COVID-19 test, no trips' ipinatutupad sa mga tricycle driver sa Mandaluyong

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at May 30 2020 01:04 PM | Updated as of May 30 2020 01:12 PM

 

Kailangan munang sumailalim sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) rapid test ang mga tricycle driver sa Mandaluyong City bago sila maka-biyahe, ayon kay Mayor Menchie Abalos nitong Biyernes.

Sa ngayon, nasa 2,500 pa na mga tricycle driver sa lugar ang hindi pa maaaring pumasada sa Lunes, ang umpisa ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila kung saan mas maluwag na ang mga patakaran sa gitna ng pandemya. 

'No test, no trips' ang ipatutupad sa lungsod kahit nasa ilalim na ng GCQ. Ito aniya ay para sa kaligtasan ng mga driver at mga pasahero. 

Nagsimula na ang lungsod na magpa-rapid test ng mga tricycle driver nitong linggo. 

Nasa 4,500 na driver na ang sumailalim sa test mula sa kabuuang bilang na 7,000 registered tricycle drivers. 

Sa mga na-test, 277 na mga driver ang nag-positibo sa rapid test kaya dumaan sila sa swab test para makumpirma kung talaga bang positibo sila sa COVID-19.

Sa ngayon, 42 na mga test results pa lang ang dumating at lahat ay negatibo, kaya may 235 pa na mga driver ang naghihintay ng resulta ng swab test. Naka-quarantine sila ngayon habang hinihintay ang resulta ng test. 

Nagsagawa rin ang Mandaluyong city government ng rapid test sa mga vendor sa palengke sa lungsod. 

May 680 confirmed COVID-19 cases sa Mandaluyong at 354 ang active cases.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.