Motel na ginawa umanong POGO hub sinalakay sa Cavite; 92 Chinese arestado

ABS-CBN News

Posted at May 30 2020 03:01 PM

Arestado ang 92 Chinese nationals sa pagsalakay ng mga awtoridad sa isang motel na nagpapatakbo ng hinihinalang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Bacoor, Cavite sa kabila ng pagbabawal sa ganitong aktibidad sa gitna ng coronavirus pandemic.

Ayon sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP CIDG), una silang nakatanggap ng ulat na maraming Chinese national ang naglalabas-masok sa hotel kaya nagsagawa sila ng imbestigasyon at surveillance.

Pagdating ng mga awtoridad, nagpulasan umano ang mga suspek, ayon kay Police Maj. Jess Baylon ng CIDG Anti-Organized Crime Unit.

“Pagdating namin dito, nakita namin itong mga Chinese national na labas-masok dito sa area, and during the time, in-approach namin sila, and then nung nalaman nilang mga operatiba ng CIDG ang lumapit sa kanila, nagsi-takbuhan sila dito sa loob at saka hinabol namin,” ani Baylon.

Naabutan pa nila ang ilan sa mga suspek na nakahubad habang nakaharap sa kani-lanilang laptop.

Napag-alaman na mga Chinese worker ng isang POGO ang mga suspek.

Nakuha rin sa lugar ang mga laptop at iba pang gadget.

Karamihan sa mga nahuling worker ay walang kaukulang work at travel documents gaya ng work permit at passport.

Mahaharap sila sa paglabag sa pinaiiral na enhanced communtiy quarantine at ilang probisiyon ng “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern Act of 2019.”

Sa ilalim ng lockdown, ilang illegal POGO operations na rin ang nabuking ng pulisya.

Nitong mga nakaraang araw rin ay ni-raid ng pulisya ang mga ilegal ng clinic para sa mga Chinese na pasyente sa iba't ibang lugar.

May nakabinbin sa Senado na pagbabawal sa operasyon ng mga POGo sa Pilipinas, na karamihan ay pinapatakbo ng mga Chinese. Ito'y dahil sa pagkakasangkot ng POGO sa kriminalidad, kabilang na ang prostitusyon at korapsyon.

Ang Duterte administration naman ay pabor sa patuloy na operasyon ng mga POGO sa bansa dahil umano pinagmumulan ito ng malaking kita ng gobyerno.

— Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.