Mga establisimyentong lalabag sa ‘no mask, no entry’ policy sa Maynila ipapasara

ABS-CBN News

Posted at May 30 2020 05:48 PM

Nagbabala ang lokal na pamahalaan ng Maynila na ipapasara ang mga establisimyentong lalabag sa "no mask, no entry" protocol ngayong ipatutupad na ang general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, maliwanag sa City Ordinance No. 8627 na kailangan magsuot ng face mask sa mga pampublikong lugar, kabilang dito ang mga business establishment.

Maghihigpit umano lalo sa protocol ang lokal na pamahalaan lalo na at inaasahang mas maraming tao ang lalabas at mamimili sa oras na ipatupad na ang GCQ.

Sa ilalim din ng parehong ordinansa, papatawan ng P1,000 hanggang P5,000 multa ang mga residenteng lalabas ng bahay nang walang suot na face mask.

Samantala, nagbabala rin si Moreno na hindi siya mag-aatubiling isailalim sa lockdown ang mga barangay na hindi susunod sa GCQ protocols. -- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.