Ilang opisina inaayos na sa pagluwag ng Metro Manila quarantine

ABS-CBN News

Posted at May 30 2020 07:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inilalatag na ng mga iba’t ibang opisina ang mga patakaran sa pagtanggap muli ng empleyado, ngayong mas maluwag na ang quarantine sa Metro Manila. 

May foot bath, sanitizer, at temperature check na bubungad sa mga magbabalik-opisina sa isang gusali sa Pasay City.

Kapag 37.5 degrees Celsius, pataas o kaya may flu-type symptoms ang empleyado, dadalhin ito sa isang isolation room at isasailalim sa COVID-19 testing. 

Sa work area naman nila, hindi bababa sa 1 metro ang distansiya sa pagitan ng mga nagtatrabaho. 

Maging sa pila ng elevator at cafeteria, kailangang sundin ang physical distancing. 

May mga shield din sa mga mesa ng cafeteria at disposable utensils ang kanilang pasilidad. 

May ilan namang opisina na minabuting ipagpatuloy ang flexible working arrangements, gaya ng work from home o telecommuting sa inaasahang dagsa ng trapiko. 

May mga patakaran sila para matiyak na secure ang kanilang datos kahit sa bahay lang nagtatrabaho ang ilang empleyado. 

“We have a system where we can monitor them. If they’re not there, we can call them,” ani Chloe Tor, Site Director ng Teleperformance. 

Aabot sa 23,491 ang bilang ng mga kompanyang nagpatupad ng flexible working arrangements, ayon sa datos ng Department of Labor and Employment. 

Pero paalala nila, sakaling papasukin ang mga empleyado, dapat sagot ng employer ang kanilang personal protective equipment, kung kinakailangan itong gamitin. 

“The employers will shoulder the PPEs for our workers,” ani DOLE Asec. Dominique Tutay. 

— Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.