Suspek sa pagpatay sa Grab driver nahuli sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at May 30 2019 02:00 AM | Updated as of May 30 2019 04:53 AM

MAYNILA (UPDATE)—Naaresto ng mga pulis Miyerkoles ng gabi ang suspek na umano'y pumatay sa Grab driver sa bayan ng Cainta, Rizal.

Nagtago sa isang motel sa Barangay Bagong Ilog, Pasig, si Paolo Largado matapos isangla ang sasakyan ng biktima. Nahulihan siya ng isang sachet ng hinihinalang shabu.

Natagpuan nitong Linggo ang bangkay ni Maria Cristina Palanca sa ilalim ng lababo sa condominium unit sa Barangay San Andres, Cainta.

Ayon sa suspek, self-defense umano ang dahilan kaya napatay niya ang biktima.

Pinagbantaan umano siya ni Palanca matapos hindi makabayad sa utang na P26,000 sa kanilang umano'y transaksiyon sa ilegal na droga.

"Nasakyan ko siya dati. Tapos may alam siyang language ng drugs, bumili ako sa kaniya. Doon na nagsimula. Tapos sabi sa akin, kapag di ako nakabayad, may paglalagyan ako," aniya.

Pinuntahan siya ng biktima sa condo noong Huwebes at tinutukan umano ng baril kaya inunahan na niya ito.

"May dala kasi siyang baril. Kaya sinakal ko siya tapos 'di ko alam na tinakpan ko na pala ang bibig niya. Hindi siya makahinga hanggang mamatay," dagdag ni Largado.

Itinago umano niya ang bangkay sa ilalim ng lababo dahil hindi na niya alam ang gagawin. 

Nang madiskubre ang bangkay ni Palanca, nagtungo si Largado sa Lucena City sa Quezon para isangla ang sasakyan ng biktima. Pagbalik sa Pasig, nagtago siya sa isang motel hanggang sa maaresto.

Nanggagalaiti naman ang pamilya ni Palanca sa mga alegasyong binitiwan ni Largado laban sa biktima.

"Diabetic ang kapatid namin. Wala siyang pera. Walang pambili ng baril. Hindi rin siya nagda-drugs," ayon sa kapatid ng biktima.

Hiling ng pamilya, mapanagot si Largado.

"We want justice. Paolo. Are you God? Ikaw na ang pumatay, ikaw pa ang sasabihing may kasalanan ang kapatid namin," dagdag ng kapatid ni Palanca.

Napag-alaman ng mga pulis na may nauna nang kinakaharap na kasong violence against women and children si Largado.

Inahahanda na ang mga kasong homicide, carnapping, at paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek. — Ulat nina Jeffrey Hernaez at Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.