Shabu, isinilid sa dokumentong ipadadala sa Israel

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at May 30 2019 05:26 PM

Isinisiksik ang mga sachet ng hinihinalang shabu sa mga dokumentong ipadadala sa Israel. Larawan mula sa Apalit Municipal Police Station


APALIT, Pampanga – Arestado ang isang lalaki matapos na mabisto ang modus niyang pagsingit ng hinihanalang shabu sa mga dokumentong ipinapadala sa Israel, Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa Apalit Municipal Police Station, isinisiksik ni Rogelio Silvestre, alyas Christian Silvestre, ang aabot sa 10 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P70,000, sa gilid ng mga dokumento ng mga umano'y aplikanteng pa-Israel.

“Kasi palagi siyang nagpapadala, iba-ibang pangalan ang pinapadalhan niya sa Israel, pero the same address. Ngayon dahil na redflag na siya sa Interpol, nag-launch kami ng operation sa taong ‘yan,” ayon kay Lot. Col. Elmer Decena, hepe ng Apalit Municipal Police Station.

Abril pa nang simulan ang surveillance laban sa suspek. Sa tulong ng courier company, natiyempuhan ang lalaki nang balikan ang bumalik na package na ipapadala sana nito sa Israel.

Ikinasa din ang buy-bust operation sa kaniya kung saan nakumpiska ang isang sachet ng hinihinalang shabu at marked money.

“Pag kinapa mo ‘di mo siya mapapansin, pag inexray mo ‘di mo din mapapansin dahil may mga carbon. Akala niya magaling na siya pero eventually mahuhuli at mahuhuli,” sabi pa ni Decena.

Napag-alamang dating overseas Filipino worker sa Israel ang suspek at dati na ding nakulong sa Makati dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

“Isa po akong agent na nagpapadala ng mga papeles ng mga applicant sa Israel po. Hindi po bali sa akin ‘yun. Yung kakilala kong tao na may inaapply sa Israel po. Wala po akong alam, dahil tiwala nga po ako sa tao, dahil before po nagpapadala na po ako ng documents,” pagtanggi naman ng suspek sa akusasyon laban sa kaniya.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek na kasalukuyang nakakulong sa Apalit Municipal Police Station.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.