SAPUL SA CCTV: Pasahero hinablutan ng cellphone sa jeep

ABS-CBN News

Posted at May 30 2019 08:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ng pulisya ang mga suspek na nakuhanan ng CCTV na nang-snatch ng cellphone sa isang pasahero ng jeep habang binabaybay ang Barangay Baesa, Quezon City.

Sa video, kitang nakahinto ang pampasaherong jeep sa Quirino Highway. Saktong papalapit naman ang suspek na bigla na lamang hinablot ang celllphone ng biktimang pasahero.
 
Mabilis tumakbo patakas ang snatcher na sinubukan pang habulin ng biktima.

Iyon pala, may kasabwat ito kaya't nakasakay siya sa kanilang get-away vehicle na motorsiklo.

Ayon sa mga kawani ng barangay, posibleng dayo lamang ang mga salarin sa kanilang lugar dahil hindi ito kilala ng mga pulis sa kalapit na istasyon.

Nagpayo naman sila sa mga residente na ingatan ang kagamitan tuwing bibiyahe.

"Sana po 'pag nasa jeep eh 'wag po sila naglalabas ng mga gamit lalo na ang cellphone kasi mainit po talaga sa mata 'yan," payo ni Barangay Baesa desk officer Jhun Caimbre.
 
Nanawagan naman ang mga opisyal ng barangay sa nakakakilala sa mga salarin na makipag-ugnayan sa Quezon City Police District Talipapa station.
 
—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.