Pampasaherong jeep, nahulog sa tulay sa Cagayan

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at May 30 2019 08:06 PM

TUAO, Cagayan—Nahulog ang isang pampasaherong jeep sa tulay ng Barangay Alabiao sa bayang ito Huwebes ng hapon.

Sa inisyal na imbestigasyon, galing Tuguegarao City ang jeep lulan ang 12 pasahero. Pero habang binabaybay ang Itawes Bridge ay biglang nawalan umano ng kontrol sa manibela ang drayber, dahilan para mahulog sa tulay ang sasakyan.

Nagtulong-tulong na ang mga residente at ibang motorista para masagip ang mga pasahero kabilang ang drayber.

Dumating din ang rescue team na agad isinugod ang mga biktima sa Tuao District Hospital at Nuestra De Seniora De Piat Hospital.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.