Mga pulis na naghatid sa QC murder suspect na 'nanlaban' iimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at May 30 2019 07:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang mga pulis na kasama nang masawi ang suspek sa pagpatay sa 2 senior citizens sa Quezon City. Nabaril sa police mobile ang suspek nitong Miyerkoles. 

Nabaril umano ni Quezon City Police District Station 4 chief Col. Rossel Cejas si Cal Joseph Bañanola matapos nitong mang-agaw ng baril sa pulisya habang pabalik ng Camp Karingal. Naisugod pa ito sa ospital pero patay na nang makarating doon. 

Ayon kay PNP spokesperson Bernard Banac, ang imbestigasyon ay bilang pagtalima sa kanilang standard operating procedure at paggalang sa karapatang pantao. 

Aalamin din kung may pagkakamali ang pulis sa nangyari at isasailalim din sa ballistic investigation ang kanilang mga baril.

"Any police intervention is always done with presumption of regularity following standard police operating procedures, in this case, on custody of suspects and on self-defense," ani Banac. 

Matatandaang naiharap pa sa media si Bañanola, na pangunahing suspek sa pananaksak sa mag-asawang senior citizen at ng kanilang kasambahay sa Novaliches. 

Pero habang pabalik Miyerkoles ng gabi sa Camp Karingal matapos ang inquest ay hiniling umano ng suspek na luwagan ang kaniyang posas. 

Pumayag si Police Staff Sgt. Alex Icban pero bigla umanong nang-agaw ng baril si Bañanola; dito na umano siya binaril ni Cejas.

Ayon kay Banac, "isolated case" ang nangyaring pamamaril at hindi raw ito ang kumakatawan sa paghahawak ng pulisya sa mga kaparehang kaso. 

Tingin naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Guillermo Eleazar na "judgement call" ni Cejas ang pagpapaputok ng baril.

Aniya, tangka lang daw ito para ma-neutralize o mapapigil ang suspek sa kaniyang hakbang. 

"Nag-aagawan na po kaysa pumutok at kung sino pa man ang matamaan eh iyon naman po ang kaniyang judgement call," ani Eleazar sa panayam ng DZMM. 

Itinuring din ng pulisya na sarado ang kaso sa pagpaslang sa mag-asawang lolo at lola. 

-- May ulat ni Michael Delizo at Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.