Mahigit 50 bahay nasunog sa Iligan City; 1 pinaniniwalaang hindi nakaligtas

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at May 30 2019 12:09 AM

ILIGAN CITY—Tinatayang nasa mahigit 50 bahay ang nasunog sa Barangay Ubaldo Laya sa lungsod na ito Miyerkoles ng hapon.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil magkakadikit ang mga bahay at pawang mga gawa sa light materials. 

Ayon kay Fire Marshal Butch Baulete, sumabay rin ang malakas na ihip ng hangin kaya lumakas ang apoy. Nahirapan ding pumasok ang mga bombero dahil sa kitid ng mga daan.

Itinaas sa Task Force Alpha ang alert level ng sunog.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang pinagmulan ng sunog.

Nagtamo naman ng second-degree burn sa braso si Rosefe Anggot habang inililikas ang 2 bata mula sa kanilang bahay. 

Ayon kay Anggot, hindi na siya nakabalik sa kanilang bahay upang sagipin ang kapatid niyang may kapansanan dahil lumaki na ang apoy.

Ayon kay Anggot, iginiit ng kapatid niya na unahin ang mga bata.

Pansamantalang nasa gym ng barangay ang mga nasunugan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.