Lalaki patay nang gantihan, barilin ng lalaking tinaga umano sa Palawan

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at May 30 2019 04:43 PM | Updated as of May 30 2019 05:05 PM

Bumalik ang sugatang suspek at binaril ang biktima gamit ang isang homemade shotgun. Larawan mula sa Palawan Police Provincial Office

ROXAS, Palawan - Patay ang isang lalaki matapos barilin bilang ganti ng lalaking tinaga niya umano sa ulo sa Sitio Salvador, Barangay Dumarao dito sa bayan, Miyerkoles ng umaga.

Nakilala ang biktima na si Ronie Villaberto, 51. Kinilala naman ang suspek bilang si Romulo Arancillo, 53.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakaupo si Arancillo sa isang sari-sari store nang sumulpot si Villaberto at tinaga siya sa ulo.

Nakatakbo si Arancillo pauwi sa kaniyang tahanan habang umuwi na rin si Villaberto.

Pero ilang saglit lang ay bumalik ang sugatang suspek dala ang isang homemade shotgun at binaril si Villaberto. 

Nagtamo ng tama ng bala ang biktima sa tiyan na kaniyang ikinamatay.

Agad na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo at pinaghahanap pa ng awtoridad.

Patuloy na iniimbestigahan ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.