PatrolPH

Facial composite ng suspek sa pagpatay sa barangay chairman sa Cagayan, inilabas

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at May 30 2019 08:16 PM

Facial composite ng suspek sa pagpatay sa barangay chairman sa Cagayan, inilabas 1
Inilabas na ng pulisya ang facial composite ng umano'y gunman sa pagpaslang sa isang barangay chairman sa Cagayan. Larawan mula sa Cagayan Police Provincial Office

TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Naglabas na ang Cagayan Police Provincial Office ng facial composite ng suspek sa pagpatay sa isang barangay chairman sa bayan ng Tuao noong Lunes.

Sakay ng kaniyang motorsiklo at pauwi na ang biktimang si Orlino Gannaban, 52, punong barangay ng Lallayug, nang siya ay pagbabarilin ng salarin.

Agad na namatay si Gannaban habang sugatan ang angkas niyang barangay tanod na si Espidio Zingabo.

Ayon kay Police Maj. Reymond Asistores, hepe ng Tuao Police, may pagkakakilanlan na ngayon sa suspek batay na rin sa pagsasalarawan ng ilang nakakita sa insidente.

“Open face o wala siyang suot na anumang takip sa mukha,” sabi ni Asistores.

Tinatayang nasa edad 30 hangangg 40 ang suspek, may taas na 5’3” to 5’5”, bilugan ang mukha, medyo may kaputian at maiksi ang buhok.

Panawagan ng pulisya sa kung sino man ang may impormasyon sa kinaroroonan ng suspek ay agad ipagbigay-alam ito sa kanila sa mga sumusunod na hotline numbers: 

Cagayan Police Provincial Office
09175233562

 Tuao Police Station
09175656717
09756726292
09985985220

Inaalam din ng awtoridad ang motibo sa pagpatay pero isinasantabi ang posibilidad na may kinalaman ito sa katatapos lang na midterm elections.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.