1 patay, 3 sugatan sa salpukan ng kotse, kuliglig sa Quirino

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at May 30 2019 05:11 PM

Isa ang patay at 3 ang sugatan sa salpukan ng kotse at kuliglig sa Quirino, Miyerkoles ng hapon. Saguday Police

Patay ang isang magsasaka at 3 ang sugatan matapos salpukin ang minamanehong kuliglig ng isang kotse sa bayan ng Saguday, Quirino nitong Miyerkoles ng hapon.

Agad binawian ng buhay si Louie Lumabao, 50, na papunta sana sa bukid para magpunla ng palay.

Namamaga naman ang kaliwang paa ng kaniyang bayaw, habang nagpapagaling pa rin sa ospital ang isa pa nilang kamag-anak na nabalian ng kaliwang braso.

Ayon kay Police Capt. Joel Guinobang, hindi pa malinaw ang dahilan pero lumalabas sa imbestigasyon na umagaw umano ng linya ang kotse.

“May skid mark dun kaya nagpreno pa itong kotse. Pero nag-swerve kaya ang pumalo ay 'yung likod nito dun sa harapan ng kuliglig,” aniya.

Arestado ang driver ng kotse na nasaktan din sa aksidente. Mahaharap siya sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries and damage to property.

Tumanggi ang suspek na magbigay ng pahayag.

Ligtas naman ang apat pang pasahero ng kotse na napag-alamang mga estudyante.

Kamakailan ay ipinag-utos ng Department of Interior and Local Government sa mga lokal na pamahalaan na hangga’t maaari ay ipagbawal ang pagbaybay sa pambansang lansangan ng mga kuliglig, tricycle at pedicab maliban na lang kung wala nang ibang madaraanan.

Sa ngayon, ipinatutupad sa Saguday ang isang lokal na ordinansa na inaatasan ang mga may-ari ng kuliglig na maglagay ng reflectorized sticker, ayon kay Guinobang. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.