Trak na nakabangga noong isang linggo, nang-'araro' ngayon

ABS-CBN News

Posted at May 30 2018 03:40 PM

Isay Reyes, ABS-CBN News

Sugatan ang 3 katao matapos araruhin ng isang 10-wheeler truck ang mga poste sa Antipolo, Rizal, Martes ng gabi.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng preno ang trak na minamaneho ni Alex Sidlao.

Nabangga rin ng trak ang isang nakaparadang L300 van.

"Pasalamat sa Diyos 'di kami kinuha," ani Edwin Canlas, isa sa mga sakay ng van.

Sugatan naman ang anak ni Canlas na nagpapagamot sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center.

Aniya, nagpapahinga lamang sila bago bumiyahe patungong Pampanga.

Sugatan rin ang 2 sakay ng trak.

Ayon naman kay Sidlao, kakalabas lang ng trak sa impounding area.

Naaksidente umano ang trak noong Mayo 23 at bumangga sa mga traysikel at van dahil nawalan din ng preno.

Siniguro naman umano niyang maayos ang pagkakagawa ng kanilang mekaniko.

"Nawalan ako ng preno eh...Sa taas palang, naramdaman ko na," aniya.

Mahaharap si Sidlao sa kasong reckless imprudence resulting in physical injuries at damage to property. - ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.