Libing ng environment, cultural activist na si Petra Macliing, sa Huwebes na

Melinda Ramo, ABS-CBN News

Posted at May 30 2018 10:29 PM

Nanguna si Petra Macliing sa mga protesta, community meetings, barikada at petisyon laban sa Chico River Dam project noon. Handout

BONTOC, Mountain Province—Nakatakdang ilibing sa Huwebes ang mga labi ng tinaguriang Cordilleran icon na si Petra Macliing sa Bontoc Cemetery.

Pumanaw noong Mayo 25 sa sari-saring sakit na dulot ng katandaan si Macliing na kilala rin bilang "Mother Petra."

“She lived a good life, she served her community well, she is the first activist I know,” sabi ni Atty. Francisca Claver, bunsong anak ni Macliing.

Hindi lang ang bunso niya ang nangungulila sa kaniyang pagpanaw dahil maging ang mga progresibong grupo sa buong Cordillera ay nagluluksa rin.

"Hindi lang siya isang matagumpay na ina sa kaniyang pamilya, mga katribu sa Mainit, kundi sa buong Cordillera. Kabuuan ng kaniyang buhay ay kaniyang inalay para ipagtanggol ang ating lupaing ninuno at igiit ang ating karapatan sa sariling pagpapasya kaya ang kaniyang pagpanaw ay isang malaking kawalan," ayon kay Windel Bolinget, ang chairperson ng Cordillera Peoples Alliance (CPA).

Kuwento pa ng mga nakasama ni Macliing na noong nagsisimula ang pagmimina sa Mainit, Mountain Province, naging lider na siya ng grupo ng kababaihan sa kanilang lugar para mapalayas ang mga minero.

“They did that by destroying the camp of the surveyors, taking away, removing their surveying equipment and even went to the extent to scare the workers," dagdag pa ni Claver.

Nanguna rin si Macliing sa mga protesta, community meetings, dayalogo, barikada at petisyon laban sa Chico River Dam Project.

Taong 2012 nang mapabilang siya sa hanay ng 100 kababaihan sa Asya na pinarangalan ng Asian Rural Women's Coalition, bilang pagkilala sa kaniyang kontribusyon sa komunidad.

Matagal na rin pinaghandaan ni Macliing ang kaniyang kamatayan. Sa kaniyang lamay, espesyal na bigas ang inihanda. Ito umano ang kaniyang maingat na itinago sa loob ng 20 taon sa kaniyang granary.

Maging ang damit na isinuot sa kaniya ay 20 taon din niyang pinaghandaan. Ito ang ibinilin niya na isusuot sa kaniyang huling himlayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.