‘Flores de Mayo,’ tema ng protesta kontra ‘endo’

ABS-CBN News

Posted at May 30 2018 10:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sumugod sa Maynila nitong Miyerkoles ang grupo ng mga militanteng manggagawa mula Southern Luzon para magdaos ng protesta kontra "endo" at manawagan ng umento sa sahod.

Mula sa iba't ibang kompanya at pabrika sa Southern Luzon ang mga lumahok sa protestang hango ang tema sa pistang Flores de Mayo.

Inirampa ng mga demonstrador sa Mendiola, Maynila ang mga larawang kamukha ni Pangulong Rodrigo Duterte at sinabitan ng mga sash kung saan nakasaad ang mga banat laban sa pangulo gaya ng "Mr. Endo," "Mr. Martial Law," at "Mr. Drug Lord Protector."

Idinadaing ng mga demonstrador ang umano'y patuloy na pag-iral ng "endo" o iyong paulit-ulit na pagsailalim sa mga manggagawa sa iilang buwang kontrata sa trabaho para hindi maging regular at magkaroon ng benepisyo.

Hiniling din nila ang pagtaas ng sahod dahil ramdam daw nila ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

May hinanda ring cake na may larawan ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na gawa ng mga kontraktuwal na empleyado ng isang kilalang cake house.

Pero sa halip na parangal, banat para sa kalihim ang nakasaad dito, gaya ng "Endo King."

Nang magtungo ang mga demonstrador sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros, nadatnan sila ni Bello.

Dumeretso si Bello sa kaniyang tanggapan sa kabila ng pagsigaw at pagbatikos sa kaniya ng mga demonstrador.

"Kung ayaw nilang makipag-usap, OK lang sa'kin, naintindihan naman natin ang kanilang hinaing," sabi sa panayam ni Bello.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.