DENR, Bangko Sentral nagbabala sa mga nahumaling sa Ilocos Norte 'wishing tree'

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at May 30 2018 12:40 PM

Tadtad ng mga barya at perang papel ang katawan ng isang puno ng balete sa Barangay Davila, Pasuquin, Ilocos Norte. Pinaniniwalaang masuwerte ang punong ito. Denis Agcaoili, ABS-CBN News

PASUQUIN, Ilocos Norte - Maraming turista at residente ang humihinto sa gilid ng national highway bayang ito para makita at makahiling sa puno ng balete na pinaniniwalaang nagdudulot ng suwerte.

Patuloy ang pagdami ng mga perang papel at barya na inilalagay at isinasabit sa tinaguriang "wishing tree," mula sa sanga at sa dahon. May mga nagbábaón din ng barya, na siya namang mariing kinondena ng ilang netizens.

Labag sa batas ang pagbaón ng barya o anumang bagay sa puno, ayon kay Wagayway Agatep, forester ng Department of Environment and Natural Resources.

Ipinagbabawal ng Republic Act no. 3571 ang pagputol, pagsira at paggawa ng gawaing makasusugat sa mga puno sa gilid ng kalsada, liwasan, paaralan at iba pang pampublikong lugar, aniya.

"'Yung health niya will be affected. Much more this is a becoming a destination or attraction. Kapag over nang kapupukpok ng coins yan, maapektuhan o masisira yung bark niya. And then eventually, baka mamatay siya," batid nito sa ABS-CBN News.

Habang ang ilang perang papel ay nakasabit, ibinabaón naman ng ilang mga dumadayo ang mga barya sa katawan ng puno ng balete kapalit ng kanilang hiling. Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Bukod sa DENR, na-alarma rin ang Bangko Sentral sa napakaraming perang naka-tengga sa wishing tree. Labag ito sa Presidential Decree no. 247.

"Pwede po tayong makasuhan, ma-penalize of not more than 20 thousand pesos at limang taon na pagkakabilanggo. Bawal po yun, ang gamit ng pera barya man o papel ang gamit po nito panggastos, it is a medium of exchange," ani Evelyn Tanagon, senior research specialist ng BSP-Batac Branch.

Makikipag-ugnayan ang Bangko Sentral sa lokal na pamahalaan ng Pasuquin, Ilocos norte para maaksyunan ang bagay na ito.