12 biktima ng human trafficking, nasagip; 'bugaw,' arestado

ABS-CBN News

Posted at May 30 2018 04:57 PM

Nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 12 biktima ng human trafficking at inaresto ang umano'y bugaw nila sa entrapment operation sa isang resort sa Pililla, Rizal.

Ayon sa NBI, ilang linggo na nilang minamanmanan ang suspek na si Tania Ramos na ginagamit umano ang mga biktima bilang sex workers at nakikipagtransaksiyon sa mga banyagang kliyente sa internet.

Sampu sa 12 biktima ay mga menor de edad na mga taga-Rizal din.

Inamin ng ilan sa mga biktima na alam nila ang kanilang pinasok at dala lang daw ito ng pangangailangan.

Itinanggi naman ni Ramos na isa siyang bugaw at sinabing pinakisuyuan lang siyang asikasuhin ang mga biktima.

Noong isang buwan lang, sinalakay rin ng NBI ang isang motel sa Rizal dahil sa sex trafficking.

Ikinulong si Ramos at ang dalawa niya umanong kasabwat sa kasong qualified human trafficking habang iniwan sa pangangalaga ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga biktima.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.