Sanggol napulot sa banyo; 3 bata iniwan sa kotse

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 03:38 PM | Updated as of May 31 2017 12:23 AM

Natagpuan ang isang bagong silang na sanggol sa loob ng isang cubicle ng banyo ng Miag-ao Church sa Iloilo, Lunes ng umaga. Sa Maynila, 3 bata naman ang natagpuan sa isang sasakyan na hahatakin sana dahil sa ilegal na pagkakaparada. 

Ayon sa taga-simbahan sa Iloilo, natagpuan ng dalawang babae pagkapasok nila sa banyo ang sanggol na nakalapag sa lampin. 

Humingi ng tulong ang mga taga-simbahan sa Philippine National Police, Municipal Social Welfare and Development Office, at mga health personnel ng clinic ng barangay. 

Agad dinala ang sanggol na babae sa clinic upang maobserbahan kung may impeksyon. Normal naman ang kondisyon ng bata. 

Pinaniniwalaang pinanganak ang sanggol isa o dalawang araw na ang nakararaan, at maaaring ipinanganak lamang sa bahay dahil wala itong 'umbilical clamp', ayon kay Dr. Rhea Palmos. 

Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang MSWD upang makumpirma na ang sanggol ay inabandona nga, at kung gayon ay maaaring ipaampon. 

Kasalukuyan namang mananatili ang bata sa clinic upang maobserbahan pa. Nagboluntaryo naman ang mga personnel ng clinic na alagaan muna ang bata.

Illegal parking 

Samantala, dalawang batang lalaki at isang batang babae ang nadiskubre sa loob ng sasakyang hihilahin sana ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa ilegal na pagkakaparada sa labas ng Commonwealth Market umaga ng Martes. 

Hindi naman sinanto ng mga enforcer ang iba pang mga sasakyang ilegal na nakaparada, maging ang sasakyan ng barangay, sa Commonwealth.

Hindi mahatak ng MMDA ang kotse dahil nadiskubre nila ang magkakapatid na bata sa sasakyang nakaparada sa gilid ng kalsada. Kahit bahagyang nakababa ang bintana, nakapatay ang makina at air con nito. 

Puwersahang binuksan ng MMDA ang pinto ng sasakyan upang mabigyan ang mga bata ng inuming tubig, bago nila ipinatawag ang ina at tiyahin ng mga ito. 

Mahigit 30 minuto bago nakabalik ang kanilang ina at tiyahin mula sa pamamalengke.

Sinamahan ang mga ito sa opisina ng barangay at pinaalalahanang huwag na itong ulitin dahil maituturing na pang-aabuso sa mga bata ang pag-iwan sa kanila sa isang mainit at kulob na sasakyan.

-- Ulat nina Joyce Ann Clavecillas at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.