'Pati rescuer pinaputukan'

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 06:45 PM | Updated as of May 31 2017 03:07 PM

'85% ng Marawi bawi na, pero 15% delikado' 

Nasa pusod ng lungsod ang gulo at limitado ang bakbakan sa isang bahagi ng Marawi City, ayon sa Provincial Crisis Management Committee.

Pero nananatiling problema ng pamahalaan ang pagsagip sa mga residenteng naiipit sa pitong araw na bakbakan sa pagitan ng Maute group at mga puwersa ng pamahalaan. 

Nasa 85 porsiyento na umano ng Marawi ang nabawi mula sa Maute, at ang natitirang 15 porsiyento ay ang mga delikadong lugar dahil sa patuloy na bakbakan, ayon sa deklarasyon ng militar. 

"Although occupied ito, hindi nila ina-advise ang media, the LGUs to come in, enter this area, because of the proximity. Masyadong malapit, tapos may mga allegedly naka-standby na ano yan, snipers," ayon kay Zia Alonto Adiong, ARMM Assemblyman. 

Rescuers, pinaputukan

Sa kuwento ng isang grupo ng mga rescuer, maaga silang bumiyahe mula sa Kapitolyo. Ilang metro pagkalagpas nila sa checkpoint ng militar, napahinto ang grupo nang may mapadaang military helicopter. Gayunpaman, hindi na rin sila makabalik dahil sa posibilidad na magkaroo ng air strike, kaya dumiretso na sila para hanapin ang mga humingi ng tulong.

Unang pinaputukan ang grupo nang makarating sila malapit sa mga matataas na gusali, pero sa halip na tumigil ay dumiretso lang ang grupo para makalayo.

Nadaanan pa nila ang mga bahay na nasunog at tinamaan ng bomba, pero muli silang nakarinig ng putukan sa paligid pagkalagpas sa mga bahay na iyon.

Hindi na malaman ng grupo kung saan susuot hanggang sa tumakbo ang isa nilang kasama papunta sa isang nakaposteng tropa.

Sa mapa, nasa bandang ibabang kanan mula sa kabisera ng Lanao del Sur ang pusod ng Marawi, kung saan sinasabing doon pa nagbabakbakan ang puwersa ng gobyerno at ang Maute at Abu Sayyaf Group. 

Ilang residenteng sinagip, ikinuwento ang hirap

Ilang grupo ng mga residente ang nasagip ng militar at pulisya mula sa kalagitnaan ng gulo sa Marawi. Ikinuwento naman nila ang mga paghihirap na dinanas habang ipit sa bakbakan. 

Sa isang conflict area, isang senior citizen, si Rolando Masato, ang na-rescue ng military, at dinala ng News team ng ABS-CBN palabas ng conflict zone. 

Limang araw daw siyang na-trap kaya hinang-hina siya nang dalhin ng News team sa Kapitolyo.

Kuwento pa niya, sa loob ng banyo siya nagtago. Hilaw na saging lang ang kanyang kinakain at tubig mula sa toilet ang kanyang iniinom para mabuhay.

Na-rescue na rin ng militar ang ilang residenteng naipit sa gulo matapos ibalita ang lokasyon nila kahapon sa TV Patrol. Agad sinaklolohan ng medical team ang mga residenteng nanghihina na. 

Kuwento ng isa sa mga na-rescue na si Mang Omar, nasa gitna sila ng barilan at hindi nila akalaing mabubuhay pa sila. Sinubukan na daw niyang pumara ng sasakyang dadaan sa harap nila, pero ang nag-iisang itim na sasakyan na napara niya ay grupo pala ng Maute. 

Nakausap pa ni Omar ang mga terorista at sinabihan silang huwag nang lumabas ng bahay dahil may mga sniper. Pagkatapos ay umalis na ang Maute at naglakad naman palayo ang pamilya ni Omar bago sila na-rescue ng militar.

Sinagip naman ng mga pulis ang mga residente ng Barangay Lumbac Madaya na ilang araw nang hindi makaalis sa bahay nilang malapit sa bakbakan ng militar. 

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Marawi, kasali ang mga residenteng ito sa 17,000 libong pamilya sa Marawi hindi umalis sa tirahan at apektado ng labanan. 

Libo-libong 'bakwit'

Malapit naman nang umabot sa 100,000 tao ang mga internally displaced persons (IDP) o 'bakwit'.

Sabi ng Armed Forces of the Philippines, kontrolado na nila ang sitwasyon sa Marawi. Subalit, pulis at militar pa lamang ang nakakabibiyahe, at hindi basta-basta nakagagalaw ang mga
tao. Kabi-kabila pa rin ang mga putok sa kalye. 

Sa pinakahuling ulat na inilabas ng Armed Forces of the Philippines, 19 na sibilyan ang namatay dahil sa bakbakan sa Marawi, habang 17 ang nalagas na sundalo. Tatlo naman ang napatay sa mga pulis, at 72 ang sugatan sa tropa ng gobyerno. 

Maliban sa tatlong pulis na nalagas sa kanilang hanay, tatlo rin ang sugatan. Hindi rin sila makontak ng kanilang mga kabaro.

"May naipit kasi, lalo na 'yung mga local police sa Marawi City na nandoon lang sa downtown nakatira. Nawalan ng contact. Hindi natin alam kung nahuli sila o nagtatago sila ngayon, walang contact," ayon kay Philippine National Police Chief Director General Ronald dela Rosa sa kanyang talumpati sa tropa sa Marawi. 

Walang napugutan

Pinabulaanan din ang nauna nang sinabi ni Pangulong Duterte na may pulis na pinugutan ng ulo sa Marawi. 

"Wala, sir, na confirmed, sir," sabi ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, hepe ng ARMM police.

"May mga reports na, 'yung una raw information ay nakarating na si Senior Inspector Solar, pinugutan. But nung na-recover na 'yung katawan niya, hindi naman pala," dagdag ni dela Rosa. 

Maliban sa mga tao, tinututukan din ngayon ng PNP ang kanilang mga gamit, dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nababawi ang police station nila na nakuha ng mga kalaban. 

Naiwan din sa mga terorista ang armored personnel carrier ng PNP Special Action Force sa gitna ng bakbakan, matapos silang ma-ambush. 

Susubukan naman daw ng PNP na mabawi ang mga gamit mula sa mga terorista. 

Nasa ilalim ng operational control ng militar ngayon ang mga pulis na nasa combat area. 

-- Ulat nina Jorge Cariño, Jeff Canoy, at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.