Pagpasok sa Iligan, CDO pahirapan

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 09:15 PM

Marami pa ring lumilikas sa Iligan City na isang oras lang ang layo sa Marawi City. Ngunit pinatatagal at pinahihirap ng paghihigpit ang biyahe. Hindi madali ang makapasok sa mga checkpoints papuntang Iligan.

Sinisipat ng mga pulis ang mga bag ng mga tao, kinakapkapan, hinihingan ng birth certificate o ID ang mga mamamayan, at ikinukumpara sa mga litrato ng Maute group.

Isusulat sa logbook ang mga walang ID at kapag kahawig ng Maute, iimbitahan sa presinto.

“To confirm ma’am kung talagang wala silang ibang pakay dito, wala silang ibang gagawin dito sa Iligan… ‘Di natin maiiwasan na mayroon talaga. ‘Pag mayroong ganyang pangyayari eh di dadalhin na lang natin sa station, doon natin iimbestigahan,” paliwanag ni Senior Insp. Sabino Labitad.
    
Sa Cagayan de Oro naman, ‘no ID, no entry’ din at bitbit pa ng mga pulis sa checkpoint ang gallery ng higit 80 hinihinalang miyembro ng Maute group.

Ayon sa spokesperson ng Police Regional Office 10 na si Supt. Lemuel Gonda, ginawang high resolution ang mga larawan ng Maute para madaling mamukhaan ng publiko.
    
Samantala sa Opol, Misamis Oriental, inilista na rin ang pangalan ng mga evacuee.

Sundalo, nag-ambag-ambag para makalikas ang residente

Kuwento ng biktimang si 'JJ', kadarating lang niya sa Marawi noong Mayo 21 para magtrabaho bilang welder nang kinailangan niyang magpagamot sa Amai Pakpak Hospital matapos barilin ng hindi pa nakikilalang gunman.

Sinalakay naman ng Maute group ang ospital habang nagpapagamot siya at pinalabas sila rito.
    
Humingi aniya sila ng tulong sa mga sundalo para makatakas papunta ng Cagayan de Oro at ilang araw silang nakisilong sa kampo ng militar.

Nag-ambag-ambag pa umano ang mga sundalo para makabalik sila ng Bohol kasama ang kanyang live-in partner at ina.

Salaysay naman ng kanyang live-in partner, ayaw na nilang bumalik ng Marawi. 

Panawagan para sa tulong 

Patuloy ang panawagan at pagdating ng tulong para sa mga naaapektuhan ng bakbakan. 

Nagtulong-tulong ang mga volunteer sa isang unibersidad sa Cagayan de Oro City para maipamahagi ang mga donasyon sa mga residenteng apektado ng bakbakan sa Marawi City.

Sa Bacolod naman, patuloy ang pagtanggap ng Diocese of Bacolod ng donasyon para sa mga naiipit sa kaguluhan.

Patuloy ring hinihigpitan ng mga awtoridad ang seguridad sa iba't ibang bahagi ng Mindanao upang masigurong walang mahalong miyembro ng Maute group sa mga lumilikas. 

Tulong para sa Marawi, ikinasa sa isang unibersidad sa Cagayan de Oro

Sa loob ng Xavier University sa Cagayan de Oro City, may relief and response command center na tumatanggap ng donasyon para sa mga apektado ng bakbakan sa Marawi City. Sa likod nito, may mga estudyante at alumni volunteers na nagre-repack ng mga donasyon.

Layunin nila na makakuha ng 5,000 food packs at hygiene kits na ipamamahagi sa evacuation centers sa Iligan City at apektadong pamilya na naiwan pa sa Marawi.

Bukod sa pagkain, tumatanggap din sila ng mga kumot, tubig at kitchen utensils.

Donasyon para sa Marawi, patuloy ang pagdating sa Diocese of Bacolod

Sa Bacolod City, nagsidatingan na ang mga donasyon sa social action center ng Diocese of Bacolod.

May mga kahon na naglalaman ng mga de latang pagkain, mga gamit sa banyo at mga damit.

Ayon kay Father Chris Gonzales, director ng social action center ng Diocese of Bacolod, patuloy silang tatanggap ng mga donasyon at ipapadala sa simbahan ng karatig bayan ng Marawi City. 

Nanawagan din siya sa publiko na bukod sa mga pagkain at damit, panalangin ang mas kinakailangan para humupa ang kaguluhan doon.

-- Ulat nina Joey Taguba at Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.