Pag-angkat ng higit 5M kilong baboy, aprubado na

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 11:33 PM | Updated as of Jun 01 2017 08:53 AM

Aprubado na ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng higit limang milyong kilo ng baboy dahil sa kakulangan ng suplay.

Pumalo sa P250 ang kada kilo ng karne ng baboy sa palengke base sa na-monitor ng Bureau of Animal Industry.

Tumaas kamakailan ang presyo nito dahil kulang ang suplay kaya naman inaprubahan na ng DA ang pag-angkat ng 5.5 milyong kilo ng baboy.

Inaasahan ding 1.5 milyong kilo pa ang maaaprubahan sa susunod.

Paliwanag ni Dir. Simeon Amurao ng Bureau of Animal Industry, mapupunta sa meat traders ang aangkating baboy na siyang magsu-supply sa mga palengke.

"Sana makabawas sa presyo… Mapupunta ito sa tinatawag na meat traders, sila ang nagsu-supply sa mga wet market. Hindi ito puwedeng ibenta sa meat processors," ani Amurao.

Anim na porsiyento lang ng supply ng baboy ng bansa ang imported. Pero kasabay ng pagbaba ng lokal na supply dahil sa pagkakasakit ng mga baboy, kumaunti rin ang imported.

Bukod sa bumaba ang halaga ng piso, tumaas din ang presyo ng baboy sa world market dahil tumaas ang demand at mas marami ang kinukuhang karne ng China matapos magkasakit ang mga alaga doon.

Dahil dito, ang dating dalawang dolyar na presyuhan ng baboy sa world market ay higit tatlong dolyar na kada kilo.

Sa pagdinig naman kanina ng House Special Committee on Globalization and World Trade Organization, kinuwestiyon kung bakit kailangang mag-angkat ng baboy. 

Ayon sa National Federation of Hog Raisers, ngayon lang nangyari na mababa ang supply sa buwan ng Mayo dahil karaniwang nangyayari ito sa Setyembre.

Naungkat din ang smuggling na isa pang dahilan ng pagbaba ng supply.

"For the past six years, na-reduce ng 200,000 heads sa backyard industry because of smuggling," ayon kay Jason Cainglet, executive director ng Samahang Industriya ng Agrikultura.

Pinepetisyon naman ng mga taga-livestock industry na ipantay na lang din ang taripa sa 35%.

-- Ulat ni Carolyn Bonquin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.