Paano malalaman na peke ang job recruiter?

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 06:31 PM | Updated as of May 30 2017 07:17 PM

Kung walang permit, walang opisina, at kung saan-saan lamang kinakausap ang mga aplikante, magduda ka na. 

Tila ganito ang mga senyales na hindi kaagad nahagip ng isang nagbibintang na nabiktima siya ng illegal recruiter. 

Arestado ang isang dating overseas Filipino worker sa kasong illegal recruitment matapos pangakuan ang mga aplikante na magkakatrabaho sa Palau kapalit ng P80,000. 

Sinampahan ng mga biktima ng kasong large scale estafa ang umano’y illegal recruiter na si Maria Clara Mabaquiao.

Kuwento ng mga biktima, ipinangako ni Mabaquiao na ilang buwan lamang matapos magbayad ng P80,000, magkakatrabaho na sila sa isang hotel sa Palau. Ngunit, wala pa rin ang pangakong trabaho matapos ang isang taon.

Giit naman ni Mabaquiao, mayroon talagang trabaho at naudlot lamang ang kanilang pag-alis.

“Mayroon namang paparating… Magkakaroon naman ng trabaho... $3.5 per hour,” ani Mabaquiao.

Labis naman ang panghihinayang ng isa sa mga biktimang si Ricardo, 26 taon gulang, dahil nagkaroon pa sila ng problema ng kanyang asawa nang galawin niya ang savings nilang P20,000 na ipinambayad niya bilang processing fee sa trabaho sa abroad na inalok ng illegal recruiter.

Dumating din ang iba pang biktima umano ni Mabaquiao nang malamang hawak na ng pulis ang suspek.     

Dating OFW at dati ring nagtrabaho sa isang recruitment agency si Mabaquiao.

Paano malalaman kung ilegal ang rekruter?

Pero ayon sa pulis, ilegal ang operasyon nito dahil walang permit, wala ring opisina, at kung saan-saan lang kinakausap ang mga aplikante. 

“Wala siyang office. Nakikipagkita lang sa Luneta... Dapat i-check niyo rin sa POEA kung may records,” ayon kay Chief Inspector Alexander Rodrigo.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.